Halimuyak ni Aya (172)

HINDI makapaniwala si Sam sa narinig kay Aya. Nagkita na pala ito at ang amang doctor.

“Ang dami palang nangyari sa isang linggo kong pagkawala. Bilib na ako sa’yo Aya. Basta ginusto mo, ginagawa mo para matupad.’’

“Sabik na talaga kasi ako kay Papa. Kaya nga kahit alam kong magagalit si Mama sa ginawa ko, hindi ko na napigil ang sarili. Hindi naman ako masisisi kung sakali dahil gusto ko namang mayakap ang aking Papa.’’

“Anong nangyari?”

“Dalawang beses na kaming nagkita ni Papa. Una sa ospital na pinuntahan natin noon at ikalawa ay sa mall. Kumain kami. Inabot kami ng ilang oras sa pagkukuwentuhan. Ikinuwento ko lahat sa kanya ang mga nangyayari sa amin ni Mama. Pati ang napapansin kong mga tingin ni Tito Janno na pinagnanasaan ako. sinabi ko rin. Ang sarap isumbong sa kanya. Para kasi akong nakakita ng kakampi…”
“Anong reaksiyon niya?”

“Galit.”

“Paanong galit?”

“Mag-ingat daw ako sa taong iyon. At ang payo, isumbong ko kay Mama ang mga napapansin ko. Baka raw may mangyari sa akin kaya kaila-ngang malaman ni Mama.’’

“Anong sagot mo?”

“Sabi ko hindi ko magawang sabihin dahil nagwo-worry ako kay Mama. Sabi niya, siya na raw ang magsasabi. Tatawagan daw niya sa phone. Tumutol ako. Huwag na lang. Mag-iingat na lang ako. Tapos, tinanong ako kung gusto kong sumama sa kanya. Sabi ko’y hindi ko magagawang iwan si Mama. Kawawa naman kung iiwan ko. Hindi na nagpilit. Nang maghiwalay kami, binigyan ako ng pera. Kahit man lang daw dun, makabawi siya sa pagkukulang sa akin…”

Napatango na lang si Sam.

“E di kuntento ka na, Aya.’’

“Medyo.’’

MINSAN, nagkita sa McDo sina Aya at Sam. Masaya silang kumakain habang nagkukuwentuhan nang may lumapit na babae.

“Hoy Sam!”

Si Julia! Kaklase ni Sam noong high school.

Walang kibo si Aya.

(Itutuloy)

Show comments