Halimuyak ni Aya (166)

HINDI napigilan ni Aya ang masayang pakikipag-usap sa kanyang papa. Nalimutan niya na hindi pala siya dapat nakipag-usap sa kanyang papa lalo at nasa loob­ ng bahay. Maaaring malaman ng kanyang mama. Kaya naman niya tinawagan ang ama ay para malaman kung saan sila magkikita. Sana tinext na lang niya ito. Pero gusto niyang marinig ang boses nito.

Huli na nang malaman ni Aya na napapansin na pala siya ng kanyang mama. At hindi niya alam kung narinig nito ang usapan nila ng kanyang papa. Pero ang sigurado siya, hindi siya bumanggit ng “papa” habang nakikipag-usap.

Tinapos niya ang pakikipag-usap nang mapansing hindi lumalayo ang kanyang mama at tila sumasagap. Sinabi naman ng kanyang papa kung saan sila magkikita --- sa harap ng isang mall sa Makati.

Nang matapos ang kanyang pakikipag-usap, lumapit ang kanyang mama.

“Sinong kausap mo Aya, parang ang saya-saya mo?’’

Nakahanda na si Aya sa isasagot. Kanina pa niya iyon naisip. ‘‘Kaklase ko ‘Ma. Masaya talaga siya dahil Uno ang grade niya sa isang subject namin. Magku-qualify na siya para mapabilang sa Dean’s List.’’

‘‘Ganuna ba? E parang magkikita kayo?’’

Shock si Aya. Sabi na nga ba niya at sumasagap ang mama niya. Buti na lang at hindi siya bumanggit ng papa. Kung hindi, magdududa na ang kanyang mama at malaking problema ang kasunod. “Oo magkikita kami, iti-treat daw niya ako. Sabi ko sa ibang araw na lang pero ayaw pumayag. Ngayon lang daw siya may pera at bukas wala na.’’

“Saan kayo magkikita?’’

“Sa McDo sa Morayta.’’

‘‘Ano yan, babae ba o lalaki?’’

“Ano ka ba, ‘Ma, siyempre­ babae.’’

“E kasi kung makipag-usap ka kanina parang lalaki yung nasa kabilang linya.’’

Nagtawa si Aya. Sinasabi na nga ba niya at mabilis makahalata ang kanyang mama. Matalas pa rin ito paladuda. Siguro, naiisip na balang araw ay maaaring matalisod ng kanyang anak ang la­laking nagbigay sa kanya ng sama ng loob.

“E kung lalaki ang ka­usap ko e di sana hindi ako rito sa loob ng bahay nakipag-usap,’’ sabi niya at napapiksi ang kanyang mama.

“Oo nga ano?’’

“At saka iisang lalaki lang naman ang kinakausap ko.’’

“Sino?’’

“Sino pa e di si Samuel.’’

Si Brenda naman ang nagtawa.

‘‘Talagang magkasundo kayo ni Sam ano?’’

“Ano pa? Kailan kaya darating ang bruhong yun?’’

“Hindi ba nag-text sa’yo?’’

“Ngayong araw na ito hindi pa. Pero kahapon, sabi baka sa Linggo narito na siya. Magaling na raw si Lola.’’

‘‘Sana nga dumating na si Sam. Kalmado ang loob ko kapag siya ang kasama mo. Tiwalang-tiwala ako kay Sam. Hindi katulad ng lalaking nakilala ko noon…’’

“’Ma!’’

Nakatitig kay Aya ang kanyang mama.

(Itutuloy)

Show comments