Halimuyak ni Aya (143)

HABANG nakahilig si Aya, nasamyo ni Sam ang buhok nito. Mabango. Kahit maghapon na, sariwa pa rin ang halimuyak ng buhok ni Aya. Gusto niya ang halimuyak.

Itinuon ni Sam ang atensiyon sa pinanonood. Pelikulang English. Maganda ang pelikula. Sa simula pa lang ay mayroon nang nabubuong magandang istorya kaya nagiging kapana-panabik. Ito ang tipo ng pelikula na mula sa umpisa hanggang sa wakas ay walang itatapon. Kaya siguro ito ang nirekomendang panoorin ng propesor ni Aya. Talagang kapano-panood ang pelikulang ito. Kung ganito lagi ang pelikulang panonoorin ay masisiyahan siya. Kuwento ito ng isang babaing ipinag­laban ang karapatan ng mga taga-komunidad para huwag maitayo sa kanilang lugar ang isang minahan. Ang bidang babae ang tanging naging lider ng mga taga-community para labanan ang pagtatayo ng minahan. Nalaman ng babae na masisira ang lugar kapag natuloy ang pagmi-mina. At magkakasakit ang mga tao sapagkat hahalo sa inuming tubig ang toxic na nasa minahan.

Pinagtangkaang patayin ang babae pero sa kabila niyon ay hindi natakot at lalo pang pinagpatuloy ang paglaban sa may-ari ng mi­nahan. Hanggang sa magtagumpay sila sa paglaban at napatigil ang minahan. Pero ang pinaka-twist ay nang umibig ang babaing bida sa anak na lalaki ng may-ari ng minahan. Kumampi ang lalaki sa babae. Hanggang sa malaman ng lalaki na hindi naman pala siya tunay na may-ari at binalak din siyang ipapatay.

Sa dakong huli, nanaig din ang kabutihan at nagtagumpay ang mga lumalaban sa masasama.

Natapos ang pelikula.

Napansin ni Sam na hindi kumikilos si Aya.

“Aya!”

Hindi pa rin kumikilos.

Sinipat niya. Tulog na tulog!

Napangiti na lamang si Sam. Akala niya ay nano­nood yun pala ay tulog.

“Aya, tapos na ang pelikula,” sabi niya pero mahina lang.

Saka lamang kumilos si Aya. Umayos ng upo.

“Ano maganda ba ang pelikula?” tanong ni Sam.

Hindi sumagot. Tila nahihilo pa si Aya.

“Paano ka makakapagbigay ng comment sa pelikula?” tanong niya kay Aya.

“Kaya nga kita isinama e. Inaantok kasi ako.’’

“Ikaw talaga.’’

“Ikuwento mo na lang sa akin. O kaya ikaw na ang gumawa ng review, ha Sam?”

“Ano pa nga ba? Mabuti na lang maganda ang pe-likula.’’

“Maganda nga raw kaya iyan ang nirekomendang panoorin namin.’’

“Uwi na tayo,” yaya ni Sam.

“Kumain uli tayo pag­labas,” yaya ni Aya.

“Nagu­tom ako e.’’

“Baka tayo gabihin.”

“Okey lang.’’

Kumain sila sa isang burger store na nasa loob ng mall.

Madilim na nang lumabas sila.

Nang dumating sila ng bahay, naroon at nag-aabang si Tito Janno.

“Nakatingin sa atin si manyakis…”

“Baka pagalitan tayo.’’

(Itutuloy)

Show comments