‘‘NARITO na nga si Aya! Ayun o !’’ sabi ni Sam kay Julia at inginuso si Aya na nakaupo sa hintayan ng mga pasahero.
“Inagahan niya baka nga kasi maligaw ka rito,’’ sabing nang-aasar ni Julia.
Hindi naman pinansin ni Sam ang tila pang-aasar ni Julia. Ngayong nakita na niya si Aya, balewala na ang anumang sabihin ni Julia.
‘‘Halika na,†sabi ni Sam at tumayo. Nagbababaan na ang mga pasahero.
Tumayo na rin si Julia. Sumama sila sa agos ng mga pasaherong bumaba. Habang bumababa ay naiisip naman ni Sam kung ano ang magiging reaksiyon ni Aya ngayong magkasabay sila ni Julia. Noong maabutan nito si Julia sa bahay habang nagpapaturo ng lesson sa Science ay halatang may inis. May ipinakitang yamot sa kanya. Pero ano naman ang magagawa niya sa ganitong sitwasyon? Si Julia ang laging dumidikit sa kanya. Hindi naman niya maaaring pagsabihan.
“Nakita ka na ng sundo mo, Sam. Nakatingin na sa atin,’’ sabi ni Julia.
Tinawag ni Sam si Aya saka mabilis na nilapitan. Sumunod si Julia.
‘‘Kanina ka pa Aya?’’
“Oo,’’ nakangiting sagot ni Aya. “Inagahan ko kasi baka mainip ka sa paghihintay.’’
Nakalapit na si Julia.
“Nagkasabay kami sa bus ni Julia.’’
Nginitian ni Aya si Julia pero dedma lang si Julia. Nakaismid pa.
‘‘Tayo na, Sam,’’ yaya ni Aya. (Itutuloy)