Halimuyak ni Aya (112)

“MAY problema na naman siguro si Mama Brenda mo sa asawa nito ano?” Tanong ni Tatay Ado kay Sam. Naupo ito sa tabi ni Sam. Si Nanay Cion ay nasa bakuran at nagdidilig ng halaman.

“Meron nga po, Lolo. Lulong na po pala sa sugal si Tito Janno niya. Pati raw po sasakyan ay naisasangla sa casino. At kapag natalo, si Mama Brenda raw ang pinagba­balingan. Mainit daw po ang ulo pag-uwi. Sinasaktan daw po si Mama Brenda. Iyak po nang iyak si Aya nang makausap ko kagabi…’’

“Naaawa nga rin ako sa mag-ina, Sam. Kung maaari nga lang pagsabihan si Mama Brenda mo na dito na silang mag-ina e noon ko pa sana ginawa. Pero sino ba naman ako para magpayo ng ganoon. Baka masamain pa niya…’’

“Natatakot po si Aya na baka may mangyari kay Mama Brenda kung parating sasaktan ni Tito Janno niya.’’

“E dapat kausapin ni Aya ang mama niya. Kasi walang ibang magpapasya kundi ang mama niya mismo dahil siya ang sinasaktan.’’

“Kinausap na nga raw po niya si Mama Brenda pero wala pong masabi. Hindi nga raw po malaman ni Aya kung bakit ganoon ang mama niya. Kahit sinasaktan ay parang walang balak na iwan o kaya ay layasan.’’

“Mahal pa rin siguro niya ang Janno na ’yun.’’

“Gaya raw po ng isang gabing mag-away sina Mama Brenda at Tito Janno. Sinaktan daw po nang grabe si Mama Brenda, pero nang kausapin ni Aya si Mama Brenda kinabukasan, tila nagka­ayos na ang dalawa. Magkatabi na uli sa kama at parang hindi nag-away.’’

Napailing-iling si Tatay Ado.

“Bakit kaya ganun si Mama Brenda, Lolo.”

“Mahirap sagutin yan, Sam. Baka nga sobra-sobra ang pagmamahal ni Mama Brenda mo kay Janno­.’’

“Para pong mahirap paniwalaan, Lolo.’’

Napatango na lang si Tatay Ado.

“Sana, wala namang mangyari kay Mama Brenda. Ka­wawa naman kung lagi siyang sasaktan ng asawa niya.’’

ISANG araw, tumawag si Aya kay Sam. Problemado si Aya. Umiiyak.

“Nasa ospital si Mama! Isinugod namin kagabi. Ang hirap ng kalagayan ko, Sam!”

(Itutuloy)

Show comments