Halimuyak ni Aya (59)

ISANG umaga, may masamang balita si Tatay Ado kay Nanay Cion. Bumili ng pandesal si Tatay Ado nang may marinig na balita sa bakery.

“Patay na raw si Lina, Cion,” sabi nito sa ma-lungkot na tinig.

“Diyos ko!”

“Narinig kong usap-usapan sa bakery ngayon lang. Kagabi raw namatay.”

“Anong dahilan?”

“Masyadong napinsala ang bahagi ng katawan dahil sa pagsipa raw at pagsuntok ni Kardo. Na-damage raw ang kidney yata at dumura ng dugo.”

“Diyos ko! Napakabait ni Lina. Wala akong masasabi sa kanya. Malaki ang naitulong niya kay Sam…” sabi ni Nanay Cion at umiyak.

Lumapit si Sam kay Tatay Ado at tinanong ang nangyari kay Mama Lina niya. Sinabi ni Tatay Ado ang pagkamatay ni Lina.

“Salbahe ang asawa ni Mama Lina. Bakit niya pinatay si Mama Lina? Masama siya!” sabi ni Sam at umiyak din ito.

Pati si Tatay Ado ay namasa-masa ang mga mata. Maski siya ay hindi makapaniwala na maagang mamamatay si Lina. Siguro’y mga 30-anyos lamang si Lina. Masyadong bata pa para mamaalam sa mundo. Ka-tulad din ng kanyang anak na si Cristy na bata pa rin nang mamatay. Ang kaibahan lamang, namatay sa panganganak kay Sam si Cristy samantalang si Lina ay namatay dahil sa kalupitan ng asawa. Bakit kailangang saktan ang asawa? Dapat minamahal ang asawa at hindi pinapatay.

“Nasaan na raw si   Kardo? Nahuli ba, Ado?”

“Nagtatago raw.”

“Nasaan ang anak nila?”

“Nasa isang kamag-anak.”

“Nasaan na kaya ang bangkay ni Lina?”

“Ipagtatanong ko. Babalik ako sa bakery para malaman ang lahat.”

“Dadalaw tayo Ado. Malaki ang naitulong ni Lina kay Sam.”

Humawak si Sam sa kamay ni Nanay Cion.

“Lola, sasama ako. Gusto kong makita si Mama Lina,” sabi nito.

“Oo. Isasama ka namin.”

 (Itutuloy)

 

Show comments