Halimuyak ni Aya (34)

“BABALIK din naman po ako mamayang gabi, Nanay Cion kaya hindi ko na isasama si Aya. Isa pa po mahirap sa biyahe.”

“Oo nga, Brenda. Baka mahirapan pa ang bata sa biyahe.”

“Kayo na po ni Tatay Ado ang bahala kay Aya.’’

“Oo. Huwag kang mag-alala.”

Sumabad si Tatay Ado, “Hindi kaya maghanap ng gatas si Aya, Brenda?”

“Hindi naman po siguro. Si Sam po ang inaalala ko dahil nasanay siya na alas dose ng tanghali ay sumususo. Pero siguro po dahil hindi ako nakikita ay baka naman hindi maghanap. Isa pa’y abala sila sa paglalaro ni Aya.’’

“Sige Brenda, luma-kad ka na at baka abutan ka ng init. Mag-ingat ka.”

“Siyanga po pala, Nanay baka po pumunta si Ate Lina rito e huwag n’yong sabihin na nagtungo ako ng Maynila.”

“Oo. Sige na, lakad na.”

“Salamat po, Nanay, Tatay.’’

Bago umalis ay hinalikan ni Brenda sina Aya at Sam. Hindi pansin ng dalawang bata ang pag-alis ni Brenda dahil abala sa paglalaro.

Tinanaw nina Nanay Cion at Tatay Ado ang pag-alis ni Brenda. Handbag lang ang bitbit nito. Maayos ang suot. Maganda si Brenda kapag nakabihis. Halatang matalino at may pinag-aralan.

“Bakit kaya bigla-biglang lumuwas sa Maynila si Brenda, Cion?” tanong ni Tatay Ado habang tinatanaw nila ang papalayong si Brenda.

“Nagtataka nga ako, Ado.’’

“Baka maghahanap ng trabaho. Siguro nahihiya na rin sa mga pinsan na nagbibigay ng tulong sa kanya.’’

“Baka nga. O puwede rin naman na pupuntahan ang mga magulang sa Bulacan. Di ba sabi niya, gusto na niyang ipagtapat sa mga magulang ang lahat. Hihingi raw siya ng tawad.”

“Pero malay natin, Cion, nakipagkasundo siya sa dating nobyo --- dun sa ama ni Aya. Baka humingi ng tawad at niyayaya nang pakasal si Brenda.’’

“Duda ako na mangyari iyon, Ado. Malaki ang galit ni Brenda sa lalaki at lalo na sa ina nito. Matapobre raw. Palagay ko hindi makikipag­kasundo si Brenda. Malakas at matapang si Brenda. May sariling pa­ninindigan at hindi sumusuko. Kahit kailan, mula noong tumira rito si Brenda, hindi ko nakitang nanghina ang loob dahil hindi siya sinuportahan ng nobyo niya. Matigas si Brenda.’’

“Pero kung ako rin ang nasa kalagayan ni Brenda, hindi na rin ako makikipagkasundo sa lalaki. Walang bayag! Pinabayaan si Brenda matapos buntisin. Mas si­nunod ang matapobreng ina.”

“Sana nga tama ang hula ko, maghahanap siya ng trabaho o kaya pupunta na sa kanyang mga magulang.”

“Kapag nagkaroon ng trabaho si Brenda, tiyak na aalis na sila rito ni Aya. Paano kaya si Sam kapag umalis sila. Tiyak na iiyak si Sam.’’

“Pero sabi naman ni Brenda, matagal pa sila bago umalis.’’

“Sana nga, Cion. Ka­wawa naman si Sam.”

Sumapit ang gabi pero hindi pa dumarating si Brenda. Ang dalawang bata ay halatang gusto nang sumuso, lalo si Sam..

(Itutuloy)

 

Show comments