Halimuyak ni Aya (1)

BINALOT na mabuti ng lampin ni Nanay Cion ang kanyang apong si Sam. Umiiyak na ito. Gusto nang dumede. Kinarga. Kinuha ang pa­yong na nasa kabila ng pinto. Lumabas ng bahay at mabilis na naglakad. Walang tigil sa pag-iyak si Sam.

Nakasalubong ni Nanay Cion ang kumare.

“O saan ka pupunta Mareng Cion at nagma­madali ka. Ba’t umiiyak ang apo mo?”

“Gusto nang dumede. Dadalhin ko kay Lina diyan sa may baba.’’

‘‘Ah, sige dahan-da­han ka lang Mareng Cion at baka ka madapa.’’

“Sige Mare.’’

Nagmamadali si Nanay Cion. Kapag ga­nitong walang tigil sa pag-iyak si Sam ay nari­rindi ang isip niya. Kawawa naman ang apo niya. Tiyak na gutom na gutom na ito. Kailangang makadede na.

Ilang sandali pa at nasa bakuran na siya ng isang bahay. Walang bakod ang bahay.

“Lina! Lina!” Malakas na tawag ni Nanay Cion.

Dumungaw ang isang babae na mga 30-anyos. May kargang sanggol ang babae at pinadedede sa mga suso niya.

“Nanay Cion! Halika po. Pasok po.’’

Pumasok sa bahay si Nanay Cion.

“Nagugutom na po si Sam, Nanay?”

“Oo, Lina. Kanina pa walang tigil sa pag-iyak.’’

“Akina po at padede­deen ko.’’

“Sabay mo nang pade­dedeen, Lina?”

“Opo. Marami naman akong gatas, Nanay. Kung minsan, e lumalabas na kusa sa mga dede ko ang gatas.’’

“Sige Lina, parang awa mo na sa apo ko.’’

Naupo si Lina. Iniabot ni Nanay Cion ang apong si Sam. Nasa kanang suso si Sam samantalang ang anak ni Lina ay nasa kaliwa­.

Pagkalapat ng bibig ng sanggol na si Sam sa utong ni Lina ay parang hayok na hayok na ito sa gutom na sumipsip ng gatas. Naramdaman ni Lina ang matinding pagkagutom ni  Sam.

“Sabik na sabik si Sam, Nanay. Ang lakas dumede!”

Nakatingin si Nanay Cion. Maya-maya ay napaiyak na.

“Hanggang kailan kaya ako makikiusap sa’yo Lina para padedeen ang apo ko.”

“Hanggang may gatas ako, Nanay Cion.’’

“Nakikiagaw pa si Sam kay Girlie mo.’’

“Okey lang po Nanay Cion. Alam ko naman ang kalagayan ni Sam. Wala na siyang ina. At alam ko rin na wala kayong ikakaya ni Tatay Ado para ibili ng gatas si Sam.’’

Napahikbi nang tuluyan si Nanay Cion.

“Kung sana ay hindi inabandona si Sam ng tatay niya…’’

“Nasaan na po ang tatay ni Sam, Nanay Cion?”

 â€œHindi ko alam. Mula nang mamatay ang anak ko sa panganganak kay Sam, hindi na nagpakita. Nawala na!”

(Itutuloy)

Show comments