Alakdan (306)

Matapos halikan ni Kreamy si Troy, nagtawanan sina Digol, Pau, Siony at iba pang mga kamag-anak na naroon. Masayang-masaya sila sa pag-iibigan ng dalawa.

Dumating naman sina Tiyo Nado at Tiya Encar ng gabi ring iyon. Nahi­rapan daw sa pagsakay ng bus sa San Pablo kaya naatrasado sila. Mainit na mainit ang kumustahan nila ni Troy.

Ipinaalam ni Troy sa mga kamag-anak ni Kreamy ang kasal nila na gagawin sa summer. Lahat ay imbitado. Sabi pa ni Troy, gusto niya ay makarating lahat ang mga kamag-anak ni Kreamy. Gusto niya ay maging masaya ang kasal nila. Ipinaliwanag niya na kaya nila napili ang tag-araw ay para maaliwalas ang kalangitan at walang dahilan ang lahat para hindi makadalo. Gusto niya ay kumportable ang lahat sa araw ng kasal.

Nangako ang mga kamag-anak ni Kreamy na dadalo. Gusto nilang masaksihan ang kasal ng kanilang mahal na si Kreamy at ni Troy.

Idinagdag naman ni Troy na mamahalin niya nang labis­ si Kreamy. Ipingako niya na ito lamang ang babaing paglilingkuran niya at wala nang iba. Si Kreamy lamang ang nag-iisang babae­ sa buhay niya.

Habang nagsasalita si Troy, ay nakatingin si Kreamy­ sa kanya. Bawat sabihin ni Troy ay nakakaligaya sa kanya. Hindi talaga nagbago si Troy. Noong una niya itong makita at nag-alok ng tulong para madala ang kanyang papa sa ospital ay nakita niyang mabuti at matapat sa sinasabi. Noon pa, meron na siyang nadamang pagmamahal kay Troy. At hanggang ngayon, iyon pa rin ang nadarama niya para kay Troy. Walang pagbabago.

Matapos ang announcement ni Troy, lumapit siya kay Kreamy.

“Tuloy na tuloy na ang kasal natin sa summer. Wala nang atrasan ito. Ano ang masasabi mo, Kreamy?’’

“Wala akong masasabi Troy. Hindi ko alam ang sasabihin dahil talagang ginulat mo ako. Sinorpresa mo ako.’’

“Kapag mahal ko ang isang tao, gumagawa ako ng mga kakaibang bagay para siya mapasaya.’’

“Ginulat mo talaga ako, Troy. Alam ko pakakasal tayo pero hindi ko akalain na ihahayag mo ito sa ganitong pagkakataon at sa harap ng mga kamag-anak ko.’’

“Naisip ko kasi, ito ang magandang pagkakataon para malaman ng lahat kung gaano kita kamahal. Masaya ang lahat.’’

“Mahal na mahal kita Troy.’’

Pinisil ni Troy ang palad ni Kreamy.

SUMUNOD na linggo, naging busy na sina Troy at Kreamy sa pag-aasikaso ng kanilang kasal. Lagi na silang magkasama. Sa pamamasyal sa mall ay kitang-kita ang kanilang wagas na pagmamahalan.

(Itutuloy)

Show comments