Alakdan (303)

MAHAL na mahal ko po si Kreamy at gusto ko po makasal kami sa su­sunod na taon. Gusto ko po summer­ para maaliwalas ang paligid. Gusto ko po masaya’’

Hindi napigilan ni Siony­ ang mapahagikgik sa mga sinabi ni Troy. Pati si Kreamy ay hindi na rin napigilang mapahagikgik. Ganito pala si Troy kapag nagsasalita. Seryosong-seryoso. Tunay na tunay ang sinasabi.

“Hindi na po ako nahihiya ngayon dahil alam ko, mahal din ako ni Kreamy. At ang mga nagma­mahal kay Kreamy ay siguro gayundin ang nadarama sa akin. Mabuti na po ang sinasabi ko lahat ang nasa dibdib ko. Totoo naman lahat­ ang sinasabi ko.’’

Nakatingin si Siony kay Troy. Humahanga ito. Maski si Kreamy ay nakatingin lang kay Troy. Wala siyang masabi. Damang-dama niya ang pagmamahal ni Troy. Tumatagos sa puso niya. Hindi nga siya nagkamali kay Troy.

‘‘Kung balak na pala ninyong magpakasal next year, wala akong tutol. Sige ituloy n’yo dahil pareho na naman kayong nasa tamang edad. At saka para magkaroon na agad kayo ng anak. Gusto ko nang magkaapo,’’ sabi ni Siony.

“Tuloy na po ang planong ito. Si Kreamy na lamang po ang tatanu­ngin ko kung gusto niya na summer kami pakakasal.’’

“Oo naman payag ako. Ayaw ko nga ng June na makulimlim ang panahon. Gusto ko matindi ang sikat ng araw sa kasal natin.’’

“Okey na po Mam Siony­, este mama pala.’’

Napuno ng halakhakan ang salas. Tuloy na tuloy na.

“Dito ka mag-New Year, Troy. Isama mo na rin sina Digol at Pau. Gusto ko masaya tayo sa New Year,’’ sabi ni Siony.

(Itutuloy)

 

Show comments