Alakdan (295)

“WALA namang nagha- ha­nap sa iyo, Troy. May inaasahan ka bang pupunta rito, Pinsan?”

“Wala naman, Digol. Baka lang…”

Nagtawa si Digol. “Baka naman may inaasahan kang pupunta rito. Baka naman meron kang chick na inililihim e sabihin mo na. Para kung may pupunta   rito e nakahanda kami.’’

Tinapik-tapik ni Troy sa balikat si Digol.

“Wala akong chick, Digol.”

“Owww?”

“Wala nga.’’

“Aba e dapat magha-nap ka na dahil tumatanda ka na.’’

“Hindi pa naman, Digol.”

“Pero mas masarap kung mayroon ka nang nobya ngayon. Mas lalo kang magiging inspirado, Pinsan.”

Natigilan si Troy. Nag-isip.

Maya-maya, may ibinulong kay Digol. Ayaw nitong iparinig kay Pau na noon ay nasa di-kalayuan sa kanila.

“Mag-usap tayong da-la­wa Digol. Ayaw kong  marinig ng anak mong si Pau.’’

“Sige, dun tayo sa bahay ko sa tapat.’’

Nagtawa si Troy.

“Parang sa’yo na ang bahay sa tapat, Digol.”

Napamaang si Digol. Nabigla siya sa pagsasalita.

“A e para kasing akin na ang bahay. Sa tagal ko ba namang tumira sa bahay na ‘yan ang akala ko sa akin na talaga.’’

“Pero malay mo ibigay nga sa iyo yan ng may-ari.’’

“Naku, malabong ibigay sa akin yan, Pinsan.’’

“Bakit naman hindi?”

“Basta, malabong ibigay yan sa akin. At saka paano ibibigay e hindi naman nagpupunta ang may-ari rito. Baka nasa ibang bansa na ang may-ari niyan.”

“Si Kreamy? Baka nasa ibang bansa na?”

“Baka lang. Kasi wala na yatang interes na dalawin ang bahay niya rito.’’

Natigilan si Troy.

Patuloy namang nagsalita si Digol.

“Malay natin, baka nag-asawa na si Kreamy. Kasi’y nakapagtataka kung bakit hindi nagtutungo rito.’’

“Wala pa naman sigurong asawa yun, Digol.’’

“Ano ngang malay natin?”

“Sabagay sa pag-uusap namin ng Mama niya e marami yatang nanliligaw kay Kreamy.’’

“Kita mo na. Kaya nga ang kutob ko e baka may asawa na yun.’’

“Basta mamaya, mag-usap tayo sa kabilang bahay, Digol.’’

“Bakit hindi mo pa rito sabihin?”

“Baka marinig ni Pau.”

“Sasabihan ko si Pau na doon muna siya sa kuwarto niya at may pag-uusapan lang tayo.’’

“Sige, Digol.’’

Inutusan nga ni Digol sa Pau. Sumunod si Pau sa ama.

“O ano bang mahala-gang sasabihin mo sa akin, Pinsan?”

“Tungkol kay Kreamy, Digol.’’

“Anong tungkol sa kanya?”

“Gustung-gusto ko na siyang makita, Digol. Sa iyo ko lang sasabihin mahal ko siya. Noon pa. Pero nahihiya lang akong magsabi sa kanya. Kasi nga’y dahil sa nangyari noon sa amin ni Mayette. Hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap ko.’’

“Talagang masama ang tama mo kay Kreamy?”

“Oo, Digol. Kaya nga hindi ko magawang manli­gaw. Si Kreamy talaga ang gusto ko.’’

“Ang problema lang e baka may nobyo na o asawa si Kreamy.’’

“Puwede bang pakiimbestiga  mo Digol. Ibigay ko sa iyo ang address ni Kreamy at Mama niya. Alamin mo lang.”

“Sige. Akong bahala.’’

“Salamat Digol. Kapag wala pa siyang asawa o nobyo, saka ako gagawa ng paraan.’’

“Talaga ha?”

“Oo.”

“Gagawin mo talaga?”

“Oo. Sige tawagin mo na si Pau at mayroon akong sasabihin. May plano ako.’’

Tinawag  ni Digol ang anak.

Sinabi ni Troy ang plano.

“Sa Pasko magdadala ako nang maraming pagkain dito. Gusto ko masaya tayo.’’ (Itutuloy)

Show comments