“SINO ang nag-paint, Digol?’’
“Si Troy po. Ginawa raw po ‘yan noong nag-aaral ng Fine Arts si Troy. Masyado raw mapilit si Mayette kaya ginawa niya.”
“Talagang kung anong gusto niya ay ipagpipi-litan ano?’’
Napangiti lang si Digol.
“I’m sure alam mo na kung ano ang ginawa ng babaing yan sa anak kong si Kreamy…’’
“Opo. Noon pa, alam ko na kung gaano kalupit si Mayette kay Kreamy. Nalaman ko lang po ang mga pangyayari noong nakikiusap sa akin si Kreamy na hiwalayan ko ang “mama” niya. Totoo rin po na muntik nang mahuli ni Mayette si Kreamy habang nasa bahay diyan sa tapat. Buti na lang, nakapagtago sa ilalim ng kama. Sinabi sa akin ni Kreamy noon na malupit ang ‘‘mama’’ at bukod doon pinagtataksilan nga ang papa niya. Sinabi ni Kreamy na awang-awa siya sa kanyang papa. Iyon din ang dahilan kaya nakiusap siya sa akin na hiwalayan na si Mayette. At sa maniwala ka at hindi, Mam Siony, malaki ang role ni Kreamy kaya ako nakahiwalay kay Mayette.
“Iniwan ko si Mayette ilang buwan makaraan niya akong kausapin. Naghanap ako ng ibang babae—ibang matrona na walang sabit. Pero masyado rin akong mahina dahil naghanap pa ako ng ibang matrona na naging dahilan para sapitin ko ang madugong trahedya sa buhay ko. Ginantihan ako at naging biktima ng “pamumutol”. Na-depressed ako at kung anu-ano ang naisip pero sa dakong huli naisip kong may bukas pa. At ngayon nga, natanggap ko na ang lahat. Malaki naman ang naging papel ng pinsan kong si Troy para matanggap ko ang nangyaring trahedya. Balak ko rin sanang umalis dito pero sabi ni Troy, dito na lang muna ako at pagandahin ko ang bahay. Linisin nang ayos para matuwa si Kreamy. Siyempre raw, mahal ni Kreamy ang ari-arian na pinundar ng kanyang papa.
“Si Troy na lang ang umalis dahil daw sa isang pribadong dahilan. Binibisita na lang ako ni Troy dito minsan isang buwan para dalhin ang sustento ko. Kasi po Mam Siony, hindi ko na kayang magtrabaho. Naapektuhan po ang kalusugan ko noong panahon na easy go lucky pa ako. Nagpabaya ako sa katawan. Maraming bisyo. Kaya nang singilin ako, matindi. Mabilis akong mapagod at parang nauupos kapag napasobra ang pagtatrabaho sa bahay...’’
Nakatingin lang si Mam Siony kay Troy. Humahanga kay Digol. Mula sa isang taong na-ging magulo ang buhay ay naging maayos at positibo na ang pana-naw. Bihira na sa tao ang may ganitong pag-uugali. Yung iba para matakasan ang mga kabiguan ay nagpapakamatay. Yun lang “maputulan” ng ligaya ay malaking kabiguan sa buhay ng lalaki.
“Hindi po kaya ako paalisin ni Kreamy dito, Mam Siony?’’
“Ba’t ka naman paaalisin? Natutuwa nga siya at narito ka. Maaalagaan daw ang naiwang alaala ng papa niya.’’
“Totoo po Mam Siony.’’
“Oo. Baka sa isang araw ay makadalaw siya rito.’’
Hindi makapaniwala si Digol. (Itutuloy)