Alakdan (273)

HINDI kilala ni Digol ang babaing duma­ting. Lumabas siya para tanungin ang ka­ilangan ng babae.

Malayo pa si Digol ay nakangiti na ang babae. Parang kilala na siya ng babae.

“Good morning. Ako si Siony, nariyan ba si Troy?”

Si Siony na mama ni Kreamy.

“Ikaw po ang mama ni Kreamy?” Tanong ni Digol.

“Ikaw si Digol?” Tanong naman ni Siony.

“Opo. Ako po ang pinsan ni Troy.’’

“Nariyan ba siya?”

“E wala na po, Mam Siony.’’

“Anong wala, Digol?”

“Pumasok ka po muna dito sa loob at ikukuwento ko, Mam Siony,” sabi ni Digol at ibinukas ang gate. “Pasok ka po Mam Siony.”

Pumasok si Siony.

“Mabuti po at nakita n’yo itong lugar na ito, Mam Siony?”

“Sinabi ni Kreamy.”

“Nasaan po si Kreamy?”

“Nasa abroad. Madalas siyang mag-attend ng mga seminar ukol sa kanyang trabaho.’’

“Kilala pa kaya ako ni Kreamy?”

“Oo naman.’’

Nakapasok sila sa bahay.

“Maupo ka Mam Siony.”

Naupo si Siony.

“Ang ganda pala nitong bahay na ito, Digol?”

“Ipinaayos po ni Troy ito. Pinalitan ang bubong at binago ang pintura. Ang mahigpit na bilin sa akin ni Troy ay alagaan kong mabuti ang bahay.”

“Teka, nasaan nga na si Troy, Digol?”

“Lumipat na po siya sa condo…”

“Sinunod din pala ang plano niya.”

“Sabi ko nga po, huwag nang lumipat pero hindi ko napigil.”

Pinagmasdan ni Siony ang kabuuan ng bahay. Hanggang sa madako ang tingin sa malaking oil painting ng isang babae.

“Sino siya?”

“Si Mayette po.”

(Itutuloy)

Show comments