IPINAGPASADYA ni Troy nang magandang frame ang sketch ni Kreamy. Idinispley niya sa salas. Maganda. Nagbigay ng balanse sa iba pang kuwadrong nakadispley doon.
Kapag umuuwi siya sa hapon, pinagmamasdan niya ang frame ni Kreamy. Gandang-ganda siya. Iyon ay itsura ni Kreamy ilang taon na ang nakalilipas. Ngayon kaya ay ano na ang itsura ni Kreamy? Tiyak na napakaganda siguro ni Kreamy ngayon. Kung noon ay lutang na lutang na ang ganda, mas lalo pa sigurado ngayon. Baka alangan na siya kay Kreamy.
Saka naisip niya na tama lang naging pasya niya na umalis sa bahay nina Kreamy. Kung doon siya mananatili, lalo nang magi-ging alangan siya rito. Baka kung ano pa ang isipin ni Kreamy sa kanya kapag naratnan siya roon.
Tama rin lang na si Digol ang maiwan sa bahay nina Kreamy. Wala na namang pupuntahan si Digol. At maiintindihan din naman siguro ni Kreamy ang kalagayan ni Digol kaya ito naroon. Sabi ni Mam Siony, maawain si Kreamy at mapagpatawad.
Kung makikita ni Kreamy si Digol, siguro ay matutuwa ito. Hindi ito magagalit sa pagtira roon ni Digol. Mabuti nga at naalagaan ang bahay na pinaghirapang itayo ng papa niya.
WALA nang nadadamang pagkaawa sa sarili si Digol. Para malimutan ang lahat ay naging abala siya sa pag-aalaga sa bahay ni Kreamy. Walang tigil ang paglilinis niya. Pinakikintab ang sahig. Pinupunasan ang mga appliances, mga bintana at iba pang gamit.
Naalala niya ang sinabi ni Troy, na huwag nang balikan pa ang mga nangyari sapagkat hindi na maibabalik pa ang nakaraan. Pagtuunan na lamang ang kasalukuyan at ang hinaharap.
Kapag nalinis ang bahay ni Kreamy, ang bahay naman sa kabilang kalsada ang lilinisin. Alagang-alaga niya ang bahay sa kabila sapagkat doon siya tumira nang matagal. Mara-ming nangyari sa bahay na iyon na hindi niya malilimutan.
Isang araw na abala siya sa paglilinis sa bahay, may biglang tumawag. “Tao po! Magandang umaga po!”
Sinilip ni Digol. Isang babae ang nakatayo sa may gate.
(Itutuloy)