“IPINAGTAPAT ko kina Sir Abdulaziz at Mam Nuhra ang nangyari sa akin at maging sila ay hindi makapaniwala. Nakisimpatya sila sa akin at pinalakas ang aking loob. Noon ko talaga napatunayan na mabubuti sila. Mayroon din palang mabubuting Saudi at hindi lahat ay masama. Napatunayan ko talaga yan at kahit kailan ay hindi ko malilimutan ang kabutihan nila sa akin.
“Para raw malimutan ko ang mga kasawian ay ipinagsama nila ako sa mga bansa na pinupuntahan nila. Kaya nakarating na ako ng Egypt, Turkey, London at nitong huli ay sa US. Hindi ako makapaniwala na makakarating ako sa mga lugar na iyon. Maski sa panaginip ay hindi ko aakalaing makakarating doon.
“Pero sa kabila niyon na nakapaglibang ako, nasa dibdib ko pa rin ang pagnanais na hanapin si Dolfo at nang magkaliwanagan kami ukol sa aking anak na si Kreamy. Basta malaman ko lamang kung nasaan si Kreamy ay maligaya na ako. Hindi na ako gagawa pa ng eskandalo. Alam ko naman ang kahihinatnan ko kapag gumawa ng eskandalo sa Saudi. Maaa-ring makulong ako.
“Lingid kina Sir Abdulaziz at Mam Nuhra, isang araw ng Biyernes ay nagpaalam ako sa mag-asawa. Sabi ko pupunta ako sa Batha. Ang Batha ay isang lugar sa Riyadh na paboritong pamilihan at pasyalan ng mga Pinoy. Pinayagan ako. Mabuti nga raw na mamasyal ako para malibang.
“Pero sa halip na sa Ba tha ako nagtungo, sa Malaz District ako nagtungo. Sa Malaz ang tirahan nina Dolfo. Malaki ang kanilang housing doon. Maraming beses nang sinabi sa akin ni Dolfo ang kanilang tirahan. Madali lang daw hanapin. Tama nga si Dolfo. Nakita ko agad ang compound. Napapaligiran nang mataas na pader. Isang Pinoy ang napagtanungan ko. Tinanong ko kung kilala niya si Dolfo. Yung Engineer. Hindi makasagot ang lalaki. Nag-isip muna. Wala raw siyang kilalang Dolfo. Hanggang sa maisip na baka ang Dolfo na hinahanap ko ay ang mga Pinoy na dating nakatira sa compound. Bago raw silang occupant sa compound, mga apat na buwan na raw sila.
“Lumipat na pala sila. Tinanong ko ang lalaki kung alam niya kung saan lumipat ang mga dating nakatira. Hindi raw.
“Bigumbigo ako. Saan ko kaya hahanapin si Dolfo? Napakalaki ng Riyadh. Talaga yatang ayaw ipakita sa akin ang anak ko. Wala man lang akong malaman ukol sa kanya. Basta malaman ko lang ang kalagayan niya okey na sa akin. Makakatulog na ako nang mahimbing.
‘‘Nagbakasakali pa rin ako. Tuwing Biyernes, maghapon ako sa Batha. Nakaupo ako sa mga bangkong bato sa ialim ng Batha Hotel at nagbabakasakaling makita si Dolfo. Matiyaga akong nag-aabang at baka biglang mamasyal doon si Dolfo.
“Pero ni anino ni Dolfo ay hindi ko nakita. Para bang iniwasan na talaga niya ako. Hindi ko napigilang mapaiyak kapag umuuwi ako sa bahay na walang nangyari sa paghahanap ko kay Dolfo.’’
Tumigil sa pagkuku-wento si Siony. Nakita ni Troy na parang may luhang gustong sumungaw. Maski ngayon na nalutas na ang mga problema ay hindi pa rin maiwasan ni Siony na maging emosyonal. Siguro’y dahil sa sakit na dinanas sa pagkakawala ni Kreamy. Mahabang panahon ang lumipas bago sila nagkitang mag-ina.
“Paano nga po pala kayo nagkakilala ni Mang Dolfo, Mam Siony. Sabi mo po, ikukuwento mo sa akin…’’
Nagtawa si Siony.
‘‘Ikaw talaga, Troy. Gusto mo pang saliksikin ang nangyari sa amin ng papa ni Kreamy...’’
‘‘Sige na Mam Siony, tutal naman at naikuwen-to mo na ang lahat e bakit ipagkakait pa ang simula ng inyong pagkakilala ni Mang Dolfo...’’
“Sige na nga, ang kulit mo, Troy…”
Nasabik si Troy sa bagong ikukuwento ni Mam Siony. (Itutuloy)