Kulong, tanggal-puwesto ang hinaharap ni VP Sara
Inciting to sedition, terorismo, at grave threats ang sakdal kay VP Sara Duterte. Ito’y dahil pinagmalaki niya na may kausap na siyang papatay kina President Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta, at Speaker Martin Romualdez: “no joke, no joke.”
Sedition ang marahas na pag-aklas para sapilitang o takotang pagmuhi o paghiganti sa isang opisyal. Paghimok pa lang ay krimen na. Parusa: 10-20 taong bilanggo, at P2-milyong multa.
Terorismo ay kombinasyon ng pagpatay, pananakit, pagwasak, pagsunog, at pag-udyok ng gulo. Wala itong piyansa. Habambuhay na pagkulong, at pagbawal sa posisyon sa gobyerno.
Grave threat ang pagbanta sa buhay o ari-arian ninuman.
Nagpapabigat sa sala ang posisyon ni Duterte. Bilang VP at hahalili, siya ang pinaka-makikinabang sa pagpaslang kay Marcos Jr.
Maari ring ma-disbar si Duterte. Dalawang alituntunin sa abogasya ang nilabag niya. Una, pagyurak sa batas at kaayusan. Ikalawa, paulit-ulit na pagmumura sa tatlo, at sa mga hepe ng PNP at AFP. ‘Di na mabilang ang abogadong tinanggalan ng Korte Suprema ng lisensiya dahil sa kabastusan ng bunganga.
Maari ring ma-impeach si Duterte. Pirma ng 106 kongresista lang ang kailangan para ihabla siya ng Kamara de Representantes. Mga sakdal: katiwalian, sedition muli, iba pang malalaking krimen, at pagtaksil sa tiwala ng publiko.
Obligado ang Senado na litisin siya agad, batay sa Konstitusyon. Sinasabi ng kampo ni Duterte na madali niyang makukuha ang boto ng siyam na senador para hindi matanggal sa puwesto.
Magulo talaga ang larong pulitika. Mas mataas ang posisyon, mas malalim ang bagsak.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest