Cristine mahirap gawan ng bold film
Nadulas si Iza Calzado sa dance number niya sa Lucky ’09: The GMA New Year Countdown Special ng GMA 7, hindi lang masyadong nahalata ng audience dahil mabilis siyang tumayo at ngumiti na lang. Sa TV coverage mas pansin ang nangyari sa kanya.
Hindi rin masyadong napansin ng mga taong dumagsa sa Mall of Asia na kasama sa mga performers that night ang ABS-CBN at Star Magic talent na si Bangs Garcia. Akala’y lumipat na ito sa Kapuso network, pero kaya lang siya nasa countdown dahil calendar girl siya ng Tanduay na major sponsor ng New Year special. No choice ang dalaga kundi mag-perform kasama ang Channel 7 stars.
Ang alam namin, maraming plano ang Dos kay Bangs na minsang umingay ang pangalan nang ma-link kay Sam Milby.
* * *
Magsilbing aral sana sa mga singers, artista at band members ang nangyari sa member ng isang sikat na Pinoy band na hindi na nakabalik ng bansa pagkatapos ng gig nila sa Dubai dahil nahulihan ng marijuana sa immigration habang pauwi na ng bansa.
Kapag hindi natulungan at ’pag hindi magaling ang depensa, baka tuluy-tuloy ang pagkakakulong nito. Kung bakit naman hindi napayuhan ng mga kasama niya sa banda na bawal gumamit ng damo at bawal ding magdala sa ibang bansa o baka hindi alam ng mga co-members nito na humihithit ang band member ng bawal na damo.
Mabuti na lang daw at hindi nadamay ang ibang band members sa kasalanan ng pasaway nilang gitarista at baka silang lahat ay ’di na nakauwi ng ’Pinas. Iingay din ang kasong ito kapag nagpatulong sa gobyerno ang pamilya ng band member.
* * *
Magandang kausap si Vic del Rosario dahil marami kaming balitang nalaman sa kanya. Suwerteng sa mesa namin nina Nora Calderon, Ricky Calderon at Rey Pumaloy pumuwesto si boss Vic sa ginanap na thanksgiving party for the press ni Sarah Geronimo kaya, nagtanong kami ng mga plano niya sa mga artists ng Viva Entertainment.
Malaki ang tiwala ni boss Vic na sisikat si Cristine Reyes dahil maganda na’t sexy pa ay mahusay pang umarte. Sexy-horror ang balak niyang ibigay na project dito’t hindi puwedeng bold movie dahil hindi maipalalabas sa SM cinemas. Mahirap ding bigyan ng bold movies si Cristine dahil maraming endorsements at bibitawan ng TV viewers, kaya ni-reject agad ang suggestion ni Rey na gawin ng actress ang remake ng Scorpio Night.
Ibinalita rin ni boss Vic na may ilo-launch siyang group na mala-Jonas Brothers na guwapo at mahusay kumanta at sumayaw, 14 to 17 years old. Ang naisip niyang ipangalan sa grupo ay 4Ever at two months nang nagti-training. Magpo-front act muna sila sa mga shows ng Viva artists gaya ni Sarah at isasama niya sa remake ng Bagets.
Nag-usap na raw sila ng ABS-CBN na i-remake ang Bagets, pero uunahin ang TV series bago ang pelikula. Naniniwala si boss Vic na after 25 years, right time nang i-remake ang pelikula.
* * *
Ngayong Sabado na ang TV5 Live Shake Mo TV Mo Caravan na magaganap sa Star City mula 10 a.m. hanggang 12 midnight. Malalaking papremyo ang ipamimigay at maraming pakulo ang puwedeng salihan ng mga makiki-shake.
Darating ang mga artista ng TV5 at tutugtog ang mga bandang Sandwich at Imago para sa kasiyahan ng lahat. Para makasali at makigulo ng libre, magpakita lang ng valid recent school ID, o magpakita ng proof of purchase ng any TV5 novelty items mula sa TV5 store na matatagpuan sa Star City.
- Latest