Young actress, nagpipilit lumebel sa billing ng premyadong aktres!
Ngumiti lang ang direktor ng isang pelikulang nakatakdang mag-showing sa mga sinehan nang tanungin namin kung totoong may isyu sa billing ng mga artista niya.
Ang nakarating na kuwento sa amin, nagreklamo raw si young actress sa billing niya dahil hindi raw sila magkapantay sa pangalan ng premyadong aktres na kasama niya rito.
Na kung ikukumpara mo si young actress kay premyadong aktres, napakalayo naman!
Kumbaga, wala pang napatunayan si younger actress kung ikumpara sa premyadong aktres na ang dami nang achievements.
Hindi pa yata tao si young actress nung panahon ng kasikatan ni premyadong aktres. Kaya puwede talagang sabihing hindi sila magka-level! Pero pareho silang bida sa pelikulang ito.
Pero feeling daw nitong young actress, siya ang magdadala ng pelikula kaya gusto nitong magkapantay sila ng pangalan ni premyadong aktres.
Pinalakihan naman daw ang size ng pangalan ni young actress, pero hindi sila magkalinya sa pangalan ni premyadong aktres. Nagrereklamo pa rin daw si young actress.
Kahit ano pang hanash niya, decided na si direk na huwag nang baguhin uli ang billing. Isang matigas na “no!” raw ang sagot ni direk nang kinulit siya ng handler ni young actress na baguhin ang billing.
Ayaw na lang magasalita ni direk tungkol sa isyung ‘yan, para hindi na mag-nega sa showing ng pelikula nila.
Carmi, nag-ala Maris noon
Ang kuwela ng tsikahan ni Carmi Martin sa ilang entertainment press sa motorcade ng action-comedy nilang Tolome, Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Nag-lunch break ang grupo nila nina Sen. Bong Revilla sa Cabalen Restaurant ng SM San Lazaro at nakakaaliw ang mga sagot ni Carmi nang mapag-usapan ang tungkol sa isyu ng MaThon loveteam nina Maris Racal at Anthony Jennings.
Kasali kasi si Carmi sa Netflix movie ng dalawa na Sosyal Climbers. Malapit na ang streaming nito sa Netflix.
Hiningan ng reaksyon si Carmi sa pinagdaanan nina Maris at Anthony. Iniisip nila siyempre na baka makaapekto ito sa pelikulang ginagawa nila. Pero dedma naman ang Netfix sa isyu, tuloy pa rin ang pelikula.
Hindi naman daw siya gaanong nag-worry dahil sa tingin niya ay malalagpasan din nila ito. “Ang feeling ko lang, tao lang, e. Alam mo ‘yun,” pakli ni Carmi.
“Alam ko, mao-overcome ‘yon. I’m not saying tama! Pero alam kong mapapatawad naman sila ng mga tao. ’m sure, andaming gumagawa nu’n. And once, nangyari na rin sa akin!” natatawang pagtatapat ni Carmi na napayuko habang hawak ang kanyang dibdib. “Ang suwerte ko lang at walang social media!” bulalas niya.
Hindi na sinagot ni Carmi nang kinulit kung sino naman ‘yung na-involve sa kanya na may sabit pala.
“Wala, secret na. Halungkatin n’yo.
“Huwag na! Nakalusot na nga, e!” natatawa niyang sagot.
Kung sakaling humingi sa kanya si Maris ng payo, ano kaya ang sasabihin niya?
“Sasabihin ko, ‘Been there, done that.’ And sasabihin ko lang na it’s a big lesson, mahirap talagang umapak sa may karelasyon,” sabi pa ni Carmi.
“Well, hindi pero alam kong mali ‘yun. Kasi nung nangyari sa akin… ang hirap ng pinagdaanan ko, at talagang sising-sisi ako for what I did. I’m sure she felt that way also. At ang masakit kasi sa kanya, may social media.
“Pero I know, it will pass. And sana huwag naman masyadong husgahan. At sana patawarin na rin siya nung ano,” sabi pa ni Carmi Martin.
Bukod sa Sosyal Climbers ay kasali rin pala si Carmi sa pelikulang Everything About My Wife nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Sa pagbabalik ng Walang Matigas Na Pulis nina Sen. Bong Revilla at Beauty Gonzalez, tiyak na kasali pa rin siya.
- Latest