Mark, marami nang suki sa gay bar!
Babalik pala uli si Mark Herras sa Apollo Male Entertainment Bar para mag-perform.
Naka-schedule na ito ngayong gabi, Jan. 31, na ang sabi ng aming nakatsikahan, ito raw talaga ang original date ng guesting niya sa naturang bar.
Hindi lang daw alam bakit napaaga siyang nag-perform doon noong Jan. 10, at ngayon ay babalik siya for another performance na ikinatuwa ng regular customers doon na karamihan ay mga kababaihan.
Nang mapabalitang nag-perform sa ganung bar si Mark Herras, ang dami nang nagkainteres na interbyuhin ang kauna-unahang Male Ultimate Survivor ng StarStruck.
May ilang nagtanong sa akin, at ipinasa ko na sila kay Mark. Ewan ko kung napagbigyan sila.
Ang dami ring nangulit sa amin kung magkano raw ba ang talent fee ni Mark nung huling performance niya sa naturang bar. Totoo raw bang P300k ang ibinigay sa kanya?
Walang sagot sa amin ang taga-Apollo nang magtanong kami tungkol diyan. Siyempre, confidential daw ‘yun.
Napag-alaman pang may mga mayayamang customer daw doon na gustong maka-table si Mark. Makikipagtsikahan lang naman daw na makipag-inuman dahil malaki ang bayad ng drinks.
Ayon sa nagkuwento sa amin, merong nagpa-reserve na gustong maka-table si Mark. Ang minimum charge raw ay tumataginting na P125k. Kalahati raw dun ay mapupunta kay Mark. Pero nung nag-perform daw nung gabing ‘yun ang aktor, hindi raw nakarating ‘yung nagpa-reserve.
Kaya inaasahang mas marami pa ang gusto siyang maka-table dahil na-promote nang husto itong pangalawa niyang appearance.
Itong mga gustong maka-table ang aktor ay mga mayayamang babae raw na karamihan ay mga Korean, Thai at Chinese. Meron ding mayayamang Pinay, na talagang naglulustay lang daw ng kadatungan sa bar na ‘yun.
Sikat kasi ang gay bar na ito na kung saan ang daming magagandang lalaking entertainers at models. Dalawa na raw ang naging artista ng VMX na galing diyan sa Apollo.
Jessica, nahanap ang angkan sa Guangdong, China
Sina Jessica Soho at Ricky Lee ang ilan sa pinarangalan ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. na ginanap sa Golden Bay Seafood Restaurant noong Chinese New Year, Jan. 29.
Ilan pa sa pinarangalan ay ang dating First Lady Imelda Marcos, pero si Sen. Imee Marcos ang tumanggap ng award.
Ang industrial designer na si Kenneth Cobonpue at si Jose Mari Chan. Pero hindi nakarating si Jose Mari.
Kasabay sa selebrasyon ng Chinese New Year ay ang kick-off ng 50th anniversary of the diplomatic relations between the Philippines and China. Sa June 5 ng taong ito ang pinaka-highlight ng selebrasyon.
Nagbigay ng inspirational message ang presidente ng FFCCCII na si Dr. Cecilio K. Pedro, na kung saan pinagdiinan niyang para mapanatili ang magandang relasyon ng ating bansa at ng China, dapat na gamitin ang tatlong K, ang Kinabukasan sa pagKakaibigan ang Kailangan.
Samantala, nagpapasalamat si Jessica Soho na binigyan siya ng pagkilala mula sa grupo ng mga Tsinoy. Ang sabi niya, 25 percent daw ang Chinese blood niya dahil sa kanyang lolo na galing ng Guangdong, China.
Mabuti at nabigyan si Jessica ng pagkakataong ma-trace ang roots niya sa Guangdong, China na na-feature niya. “Nakilala ko ‘yung ibang relatives namin sa village mismo ng lolo ko, outside of Guangdong. Na-feature ko na ‘yun in 2007, it’s up in YouTube,” pakli ni Jessica Soho.
Papayag kaya siyang isapelikula ang kuwento ng buhay niya kasama ang pinanggalingan niya sa China? “Huwag na! Merong Gabi ng Lagim ang KMJS. Tama na ‘yung kababalaghan na ‘yun,” natatawa niyang sagot sa amin.
- Latest