Rachelle Ann, Sarah at Erik, hindi na matitibag sa champions
Taong 2018 nang magpakasal sina Rachelle Ann Go at Martin Spies sa Boracay. Dalawa na ang anak ng mag-asawa ngayon na sina Lukas Judah at Sela Teruah. Bilang isang ina ay hindi raw pinararanas ni Rachel Ann na mapalo ang dalawang bata. “Hindi po ako namamalo, Tito Boy, eh. Kasi uso sa Pinas pamamalo pero sabi ko, ‘yung sa mga anak ko, tina-try po ang gentle parenting. Ang hirap, lalo na po ‘yung panganay ko, he’s turning four. Mas gusto niya ang gano’n, usapan, ayaw niya ng harsh. Gusto niya ng sweet lang. Do’n humahaba po ‘yung kanyang anger, kailangan kalmado,” pagbabahagi sa amin ni Rachelle Ann sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sa London na nakabase ang singer at ang kanyang buong pamilya. Umuuwi na lamang sa Pilipinas si Rachelle Ann kapag may mga espesyal na okasyon. “Every other year, Tito Boy ,umuuwi kami ng family ko, with Martin and my two kids, to celebrate Christmas and New Year with my family here,” paglalahad niya.
Ayon kay Rachelle Ann ay hindi naging madali ang kanyang mga pinagdaaanan noong nagsisimula pa lamang mamuhay sa London. Matatandaang ginampanan ng aktres ang karakter ni Gigi sa Miss Saigon sa Broadway. “Pareho po kami (ngayon) ni Ms. Lea Salonga ng agent, pinakilala po siya ni direk Bobby Garcia sa amin. I’m very blessed nanakilala ko po sila. The first few years it was very hard. I moved out there without an agent without manager, dahil sa Miss Saigon po. Pagdating do’n dapat ready ka. I didn’t have training or whatsoever or theater. Lahat sila trained. They did a lot of shows before Miss Saigon, ako first time, ang hirap, Tito Boy. Na-home sick ako do’n. Wala akong friends, walang church,” pagdedetalye ng singer.
Kapag nakauuwi ng Pilipinas ay sinisikap ni Rachelle Ann na makipagkita sa mga kaibigang sina Sarah Geronimo at Erik Santos. Produkto ang tatlong magkakaibigan ng iba’t ibang singing contest sa telebisyon kaya nakilala bilang “Champions.” “Kasama rin namin si Matteo (Guidicelli) and my husband. Kailangan naming magkita, Tito Boy. Kasi kapag nasa London, meron kaming chat group ng Champions. Kami-kami pa rin. Do’n kami nag-catch up, tapos kapag umuuwi kami ng Philippines, kailangan namin talaga magkita, masaya ‘yung samahan namin,” kwento ni Rachelle Ann.
Para sa singer ay talagang hindi na matitibag ang samahan nila nina Sarah at Erik lalo pa’t sila ang magkakasabayang nakilala sa music industry mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. Ayon kay Rachelle Ann ay mahirap makahanap ng mga tunay na kaibigan na mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay. Malalim na rin umano ang mga pinag-uusapan ng mga magkakaibigang singer sa tuwing nagkakasama-sama. “Buhay, Tito boy, malalim, bihira ang trabaho, mas puso at ang buhay po Tito Boy. Ang maganda sa friendship namin kasi with the showbiz world Tito Boy, mahirap na makakita nang pagkakatiwalaan talaga. So kami alam namin ‘yung napagdaanan namin noon. So talagang nandoon ‘yung trust. We open up to each other,” giit ng singer. — Reports from JCC
- Latest