Incognito, nakakuha ng mahigit kalahating milyon sa live concurrent views
Nangunguna ang pinakabagong serye ng ABS-CBN na Incognito sa listahan ng pinakapinanood na serye ng Netflix Philippines dahil sa action packed scenes ng serye at pagpapamalas nito ng ganda ng Atok, Benguet.
Bukod sa pagkuha ng No. 1 spot sa streaming platform, nakakuha rin ng lampas kalahating milyong live concurrent views (585,973) sa Kapamilya Online Live sa YouTube ang pilot episode nito noong Lunes (Enero 20) at bumuhos ang papuri na natanggap ng serye at nag-trending ang characters at serye sa X.
Sa unang episode nito, napanood ng viewers ang madugong pagkidnap ng isang sindikato sa anak ng ambassador na si Takako Rai (Belle Mariano). Agad namang humingi ng tulong ang general kay Gregorio Tecson (Ian Veneracion) para makuha ang anak ng ambassador nang hindi pumapayag sa kondisyon ng sindikato.
Hindi naman nagpaliguy-ligoy si Gregorio at unti-unting binuo ang kanyang grupo sa katauhan nina Jose Bonifacio (Richard Gutierrez), Miguel Tecson (Baron Geisler), at Andres Malvar (Daniel Padilla).
Tutukan sa susunod na episodes kung paano pa niya mapapapayag ang mga karakter nina Kaila Estrada, Anthony Jennings, at Maris Racal na sumali sa kanilang grupo at kung paano sila magtutulungan sa una nilang misyon.
- Latest