MANILA, Philippines — Sa ika-apatnapung taon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), muling tiniyak ng Board ang pagsusulong sa mandato nitong proteksyunan ang pamilya at kabataang Pilipino sa pamamagitan ng responsableng regulasyon sa media at patuloy na pagsuporta sa industriya ng pelikula at telebisyon sa bansa.
Ipinahayag ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang malalim na dedikasyon ng Board na maihatid sa publiko ang tamang impormasyon at responsableng paggamit ng media na siyang may malaking parte sa paghubog ng lipunan.
“Ngayong 2025, mananatili po tayong matatag sa ating misyon na maisulong ang responsableng panonood para sa kapakanan ng pamilyang Pilipino,” sabi ni Sotto-Antonio. “Atin din tinitiyak ang patuloy na pagsuporta sa industriya ng paglikha sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na klasipikasyon sa bawat palabas at pelikula at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder.”
Dagdag pa ni Sotto-Antonio na mas palalakasin pa ng MTRCB ang pakikipagkolaborasyon sa lokal na mga direktor, producer, at TV network, pati na rin sa mga streaming platform at mga kaalyadong bansa. Sa pamamagitan nito, mas matutugunan ng MTRCB ang iba’t ibang hamon pagdating sa media regulation habang pinapaunlad ang masining at inobasyon sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Ayon pa kay Sotto-Antonio, ipagpapatuloy ng Ahensya ang pagsusulong ng kampanyang “Responsableng Panonood” na layong maturuan ang publiko sa importansya ng tama at angkop na pagpili ng mga palabas, partikular sa mga batang manonood.
At dahil sa mabilis na paglago ng digital platforms at teknolohiya sa bansa, nangako rin ang MTRCB na gamitin ang mga makabagong pamamaraan pagdating sa polisiya at regulasyon, at sa pagpapanatili ng Filipino cultural values na siyang pamantayan para sa proteksyon ng mga manonood.