Tikom ang bibig nina Vic Sotto at direk Darryl Yap nang magharap sila kahapon ng umaga sa Muntinlupa RTC kaugnay sa writ of habeas data na isinumite ni Bossing Vic laban sa direktor ng pelikulang The R*pists of Pepsi Paloma.
Summary hearing ang tawag nila roon na kung saan nag-testify sila sa affidavits na isinumite nila.
Walang makapagsabi kung ano pa ang nangyari sa hearing dahil umabot sila ng mahigit tatlong oras sa loob ng tanggapan ng fiscal.
Nag-sorry si Bossing Vic na wala siyang masagot sa media na nag-abang doon sa piskalya, dahil nga sa gag order.
Naunang lumabas si Bossing Vic kasama ang asawang si Pauleen Luna ng bandang 10:30 ng umaga. Pagkalipas ng halos dalawang oras, si direk Darryl Yap naman ang lumabas kasama ang kanyang legal team.
Hindi sinagot ni direk Darryl Yap ang mga nagtanong kung papalitan ba niya ang title ng pelikula. Nung kinumusta siya, “I’m okay. I’m still finishing the movie,” ang matipid niyang sagot.
Sinundan ng tanong kung mapapanood ba ang pelikula niya, “It should be ang sagot.”
Nabanggit noon na Dec. 29 ay tapos na raw ang shooting ng pelikula. Bakit sinabi ngayon ni direk Darryl na tinatapos pa lang nila ito. Meron kayang ni-reshoot?
Nagtanung-tanong kami sa ilang taga-MTRCB, wala pa rin naman daw silang natanggap na kahit ano mula sa pelikulang ito ng kontrobersyal na direktor. Kahit application for review ng trailer o teaser o order mula sa korte kaugnay sa writ of habeas data, dahil may kinalaman ito sa pagre-review nila ng pelikula kung sakali.
Pero ano kaya ang magiging kapalaran nitong The Rapists of Pepsi Paloma sa MTRCB?
Nakasaad sa guidelines na sinusunod nila kung ano ang mga sumusunod na rason para bigyan ng X rating ang isang pelikula.
Ang isa sa nabasa namin ay “The film is libelous or defamatory to the good name and reputation of any person, whether loving or dead.”
Meron ding isa pang basehan na sinabing, “The film may constitute contempt of court or of a quasi-judicial tribunal, or may pertain to matters which are subjudicial in nature.”
‘Yan ang interpretasyon ko lamang na maaaring ma-X ang pelikulang ito, dahil nangyari rin ito kamakailan lang sa pelikulang Lost Sabungeros.
Pero wala pang ibinigay na sagot o pahayag ang taga-MTRCB tungkol dito.
Jericho, gagampanan si Quezon
Tuluy-tuloy na pala ang TBA Studios sa paggawa ng mga pelikula para sa kampanya nilang Bayaniverse.
Ipinost nito sa kanilang Facebook account, “Bayaniverse is back at ang unang gagawin nila ay ang Quezon, ang biopic ni Manuel L. Quezon.
May ginawa na noon na Quezon Game na ginampanan ni Raymond Bagatsing. Napakaganda ng pelikula. Ibang bersyon ito at hindi natin alam kung aling bahagi ng buhay ni Quezon ang ilalahad nitong pelikula ng TBA.
Ang unang napabalitang gaganap na si Quezon ay si Benjamin Alves. Pero ang latest na nasagap namin, younger Quezon pala ang gagampanan niya. Pero majority ng pelikulang ito ay gagampanan daw ni Jericho Rosales, hanggang sa tumanda na si Manuel Quezon. Baka mag-prosthetics pa raw rito si Jericho.
Abangan na lang natin ang cast reveal ng TBA Studios tungkol sa pelikulang ito.