MANILA, Philippines — Ayaw ni Carmi Martin na mangyari sa kanya ang nangyari kina Neri Naig at Rufa Mae Quinto, kaya nag-check ito sa Security Exchange Commission (SEC) sa status ng isa niyang endorsement.
Nag-comment ito sa post ni Rufa Mae na nagpasalamat sa tulong sa kanya ni Willie Revillame. Obvious na financial help ang in-extend ni Willie sa kanya. Sabi ni Carmi, “Love u bes. I went to SEC nga nagpa check din ako ng contract and alamin ang pwede at hindi gagawin ng endorser. They helped me a lot. Sinabi ko rin na kilala kita at ikaw ay nag endorse lang at ‘di kukuha ng pera sa tao. Hope makatulong yan.”
Nagpasalamat si Rufa Mae kay Carmi at nag-“I love you” kay Carmi. Sumagot si Carmi ng “Love you too at prayers ko malampasan mo lahat ng pagsubok na ito.”
At least, naging daan ang nangyari kina Neri at Rufa Mae para maging extra careful na sila sa pagtanggap ng endorsement, lalo na ang mga kumukuha ng pera sa mga tao.
Nakakatuwa lang ang swabe na paghingi ni Rufa Mae ng financial help sa kanyang mga kaibigan. Nag-comment si Jolo Revilla ng “Help help hooray” na sinagot ng aktres ng “yes friend baka naman ahah.”
Gimik, binuhay sa movie nina Jolens at Marvin
May cameo sina Judy Ann Santos at Mylene Dizon sa Ex Ex Lovers movie nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin. Nagpasalamat ang mga bida ng pelikula sa dalawang aktres.
Pinost ni Jolina sa Instagram ang video clip ng shooting nila at may caption na “Ang totoong magkakaibigan, habang buhay konektado ang mga puso, ‘di man palagi nagkikita pero ramdam at alam mo na lagi kayong nandiyan para sa isa’t isa. Bitin ang araw na ito. Namimiss ko na sila. Love you soooo much WITCHES!!!”
Ayon naman kay Marvin, “Mula bata hanggang ngayong mukha pa din kaming mga bata, suportahan! Salamat sa pagmamahal GIMIK barkada. #MarJo labsyu so so so much guys!!!”
Ang ganda ng feedback sa guesting nila sa movie nina Jolina at Marvin, lalo na ang mga batang Gimik, sila ang fans ng Gimik barkada nang umeere ang show sa ABS-CBN. Ang fans ding ito ang nangako na susuportahan ang showing ng movie simula Feb. 12.
Nikki, ‘di nailang sa Kapuso
Nagpapasalamat si Nikki Valdez sa GMA Public Affairs dahil sa kanila, nagkaroon siya ng chance na makapagtrabaho sa GMA. Kasama siya sa cast ng Lolong: Bayani ng Bayan sa role ng kapatid ni Tetchie Agbayani at tita ni Lolong (Ruru Madrid). Kaya, marami siyang eksena na kasama si Ruru at na-experience ang sinasabi ng ibang cast sa pagiging mabait ng Kapuso aktor.
“Unang-una, nagpapasalamat ako na nakatawid ako sa kabilang mundo. It’s something refreshing. Ang saya lang na inisip nilang isama ako rito. I’m really excited at masayang-masaya. I’m looking forward working with Ruru. Thank you sa pag-welcome sa akin,” wika ni Nikki.
Hindi rin naman makakaramdam na out of place si Nikki dahil may Kapamilya stars din sa cast. Gaya na lang nina Jan Marini at Gerard Pizarras, Boom Labrusca at John Arcilla. Kaya sa mediacon, natanong sila tungkol dito at nagpasalamat ang Kapamilya stars sa pagkuha sa kanila ng GMA Public Affairs at chance na makasama sa Lolong.
Anyway, sa Jan. 20, 8 p.m., sa GMA 7 ang world premiere ng action series sa direction nina Rommel Penesa at King Marco Baco. Excited na si Nikki sa airing ng first series niya sa GMA. Ang last guesting niya sa Kapuso network ay sa Extra Challenge pa.