Keempee at amang si Joey De Leon, nagkaayos pagkatapos ng limang taon

Keempee De Leon at Joey De Leon

Hindi namin napigilang mag-iyakan nang ibahagi ni Keempee de Leon ang kuwento kung paano sila nagkaayos ng kanyang amang si Joey de Leon pagkatapos ng matagal na hidwaan at hindi pag-uusap ng halos limang taon.

Sa media conference ng bagong afternoon drama ng GMA 7 na Prinsesa ng City Jail na pinagbibidahan ng tambalang Sofia Pablo at Allen Ansay ay idinetalye ni Keempee ang kanilang pagbabati.

Naging bukas naman ang problema nila ng kanyang ama na nagsimula nung tanggalin siya sa Eat Bulaga na wala man lang daw paliwanag. Dinadala niya ‘yun ng ilang ilang taon, at pati sa kanyang ama ay meron na rin siyang hinanakit. “More than five years. Kasi na-depress din ako. Alam niyo naman yun dahil sa work din… nawala tayo sa Bulaga. So, partly lahat ‘yun talagang nag-pile up sa akin. Nagkulong ako sa bahay. Hindi ako lumalabas. Hindi ako nagpakita sa pamilya ko. Kahit malapit kami ng ate ko [Chenee de Leon], hindi ako nagpapakita. Wala. As in walang connection…” umpisa ni Keempee.

Pero naging born-again Christian siya at marami siyang napagtanto at isa roon ay ang dinadalang pride ng isang tao na aniya ay mabigat na kasalanan. “Kailangan tanggalin ko ‘yung pride na ‘yon,” pakli niya. “Kumbaga, ‘yan ‘yung isa sa pinakamakasalanang ugali ng tao na ayaw ng Diyos, e. So, tinanggal ko yun.

“Kinain ko talaga yung pride ko… Sabi ko, ‘Lord, ako rin yung nahihirapan, e. Siyempre may edad na rin si Daddy. So, ayokong mas mahirapan pa ‘yung kalooban niya,” dagdag niyang pahayag.

Pinuntahan niya ang ama sa Eat Bulaga noong June 15, 2024 na kung saan ay meron silang Father’s day special. Hindi madali para sa kanya dahil sa takot na baka kung ano ang masabi at gawin ng kanyang ama.

Sobrang gulat daw ang mga staff ng Eat Bulaga nang makita siyang papasok sa studio. “Yung staff, talagang… isipin mo, 2015 huling nagkita-kita kami.

“Talagang naglakas-loob ako. Kumbaga, kung sino man ang may kasalanan o ano, hindi ko na inisip yun, e. Ang sa akin lang, binati ko lahat. Parang sa puso ko, pinatawad ko na lahat. Nag-sorry ako sa iba, even lalo sa daddy ko… Nilapitan ko. Niyakap ko siya. Sabi ko, ‘Happy Father’s Day.’ Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita, e. Kasi, nandito lang ako sa area.’’

“Alam mo yung reaksiyon ni Daddy? ‘Oh, okay.’ Parang hindi siya makapaniwala na nandoon ako. Kasi, four years, five years kami hindi nagkita,” patuloy na salaysay ni Keempee.

“Sabi niya, ‘Oh, may promo ka ba rto? Ba’t nandito ka? May po-promote… Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita. Tapos niyakap ko siya. Sabi ko, ‘Wala, na-miss na kita. So, doon na lang. Wala na kaming pinag-usapan na problema. Kaswal. Alam mo si Daddy, di ba? Daddy kasi ayaw niya ng problema. Gusto niya masaya lang lagi.

“Pero ako kasi ‘yung type na, hindi ko kaya. Transparent ako. Kung anong makikita ko sa yo, sasabihin ko,” patuloy ni Keempee.

Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ng aktor. Pero para sa kanya, bitin pa, at gusto niyang magkaroon sila ng panahong makapag-usap nang mabuti.

Buwan ng September ay inimbita raw siyang pumunta sa bahay ng Daddy niya sa Greenmeadows dahil may selebrasyon doon, ang birthday ng Tita Eileen niya, at kapatid na sina Jocas at Cheenee.

Nagpasundo pa raw siya sa pamangkin niya pagpasok ng bahay na dati niyang tahanan at natahimik daw ang lahat pagpasok niya. “Parang outsider ‘yung feeling ko, alam mo yun? Parang, sige, sabi ko, ‘Bahala na.’ Total silence. Yumakap na lang ako sa Tita Eileen ko. Nag-sorry ako… sa kapatid ko, kapatid ko si Jocas, umiiyak... Sabi ko, ‘Ba’t ka umiiyak?’ Sabi niya, ‘Tagal mo nawala, e.’

“So, na-feel ko ulit na at home ako… na yung welcome ulit ako…yung forgiveness ng family, nandun pa rin. So okay, lahat. Brothers ko, lahat…”

Pero naging emotional na ang aktor nang kinuwento na niya nang niyaya siyang puntahan ang dati niyang silid. Doon na raw siya umiyak nang todo nang inakbayan siya ng kanyang Daddy.

“Doon ko naramdaman, sabi ko, ‘Eto kami nung tatay ko. Ito yung relasyon namin talaga, yung close kami.’ Naramdaman ko ulit yung father-and-son relationship. Sa akin, ‘yung iyak ko is more of joy. And yung peace na nagkapatawaran kami.”

Lalo na raw siyang bumigay sa mga sumunod na sinabi ng kanyang ama. “Naiyak ako lalo nung sabi niya, ‘Hindi ko nga alam nasan ka? Kamusta ka? Kung ano bang kinakain mo? Ano nangyari? O anong pakiramdam mo?’”

“Masaya lang ako. Naiiyak ako kasi masaya. Naging okay kami, lahat,” sambit niya.

Pati kami ay nag-iyakan na nang kinuwento pa ni Keempee na may inabot sa kanya si Joey de Leon ng isang envelope.

“Daddy is very generous. Kahit walang hingin, ibibigay niya, Nag-abot siya sa akin ng envelope. Alam na natin, cash yun, di ba?” pakli ni Keempee.

Pero hindi raw niya iyun tinanggap. “Sabi ko, ‘Dy, okay pa ako. Thank you. Okay pa ako.’ Sabi ko, ‘Mas kailangan ko yung tayo.’ Sabi ko, ‘Gusto ko maging okay na tayo.’

“Nakayakap ako sa kanya. Sabi niya, ‘Okay lang.’ Ayokong bumitaw. Sorry pa rin ako nang sorry.

“Nahirapan din talaga ako sa tagal kong inipon. Apat o limang taon. Pagdating talaga kay Daddy, sa pamilya, emosyonal talaga ako. Sabi ko lang, ‘Dy, mahal kita. Anumang mangyari, mahal kita. Sorry na lang talaga,” mahaba pang pag-aalala kung paano sila nagkaayos ng ama habang luma­lagaslas na rin ang aming mga luha.

Show comments