Asawa ni Dina, pumanaw!
Malungkot ang balitang natanggap namin kahapon ng umaga tungkol sa pagpanaw ng Agriculture Undersecretary for Livestock Victor ‘DV’ Savellano, na mas kilala sa showbiz na asawa ni Dina Bonnevie.
Nakikita naman namin si Usec DV kapag may event o kumakain kami sa isa sa mga restaurant niya sa Quezon City na Victorinos.
Kaagad siyang nakangiti sa amin, at minsan nagugulat kami nagpalagay ng dessert sa mesa namin.
Ayon sa nasagap naming balita, kagagaling lang daw nila ng Japan ni Dina na kung saan ay doon nila sinalubong ang bagong taon.
Pagbalik daw galing Japan ay inatake ito ng stomach aneurysm at naisugod pa raw sa hospital at naoperahan, pero hindi rin naka-survive at pumanaw ito noong Lunes ng madaling araw.
Nakita pa namin sa Instagram post ni Dina na nasa Japan sila at ini-enjoy ang Mt. Fuji.
Ang saya rin nilang mag-asawa sa kasal ng bunsong anak ni Usec. DV na si Marie Savellano sa anak ni Princess Revilla na si Anton Ocampo noong October 2024.
Nagdadalangtao pa ngayon si Marie at nakakapanghinayang na hindi na niya nakita ang magiging apo niya.
Ang amin pong taos-pusong pakikiramay.
Pagsasama ni Jak at VMX star, biglang naalala sa hiwalayan nila ni Barbie
Hindi raw talaga magsasalita si Jak Roberto tungkol sa breakup nila ni
Barbie Forteza.
Pero dahil sa pananahimik niya, kung anu-anong naglalabasang kuwento tungkol sa kanya.
Naungkat na naman ang pagkaka-link niya noon sa isang VMX o Vivamax star na si Ava Mendez.
Pinag-usapan nila si Jak sa YouTube channel nito noong nagkasabay sila sa isang event sa probinsya.
Kaya ang duda ng karamihan, babae nga kaya ang dahilan ng breakup?
Nadagdagan pa ito ng pagpansin ng netizens sa pagdalo niya sa New Year countdown sa Ayala Avenue, Makati.
Nakikita sa video na ang saya-saya niya sa selebrasyong ‘yun, na break na pala sila ni Barbie that time.
Usually kapag ganitong breakup ng kilalang celebrities, ang lalaki talaga ang madalas na talo, dahil nasa babae ang simpatiya.
Patuloy pang nananahimik si Jak, wala man lang siyang pahayag para ipagtanggol ang sarili. Kaya iba ang nasa isip ng mga tao na baka nga nagloko ito.
Sana maglabas man lang siya ng statement na kahit paano ay maipaliwanag man lang niya ang kanyang panig.
Showtime, wala na sa GTV
Ang daming nag-comment sa aming nagustuhan nila ang pilot episode ng Batang Riles na nagsimula noong Lunes, Jan. 6.
Nagustuhan nila ang pagsisimula ng kuwento at ang main cast na bumuo sa action drama series na ito.
Lumabas na roon ang buong cast na pinangunahan ni Miguel Tanfelix. Pero wala pa si Kokoy de Santos.
Sa pilot episode nito ay naka-10.4 percent ang aggregated rating nito, at ang Batang Quiapo ay 15 percent.
Samantala, napansin din namin kahapon na hindi na pala napapanood sa GTV ang It’s Showtime, kaya medyo bumaba ang aggregated ratings nito na bukod sa GMA 7, napapanood din ito sa A2Z, ALLTV at Kapamilya channel. Noong nakaraang Lunes ay naka-6 percent ito at ang Eat Bulaga naman ay 3.2 percent.
Kahit ang All-Out Sundays ay wala na rin pala sa GTV, kaya bumaba rin ang rating noong Linggo. Naka-live streaming pa rin, pero wala na silang online hosts.
Kaya noong Linggo ay naka-2.9 percent lang ito at dumikit ang katapat na ASAP Natin ‘To na naka-2.4 percent.
- Latest