Francine, inaming may pinagseselosan kay Seth!

Francine Diaz.

Mayroong pinagseselosan si Francine Diaz dahil nababalewala siya ni Seth Fedelin paminsan-minsan. Ayon sa aktres ay talagang nahilig sa video games si Seth kaya madalas na hindi napapansin ang kanyang mga mensahe sa telepono.  “’Yung games po, kasi ‘yung larong ginagawa niya, may story, so matagal, mahaba. May challenge, ang daming nangyayari. Ako, okay sige maglaro ka. Kasi sa gabi, maglilinis pa ako ng kwarto, maliligo pa ako, may skin care, kaartehan ng babae. Aayusin ko pa ‘yung kama ko, mag-scroll pa ako sa TikTok. So ilang oras lahat ng ‘yon sa sobrang bagal ko? So when it’s time na parang quality time, naglalaro pa rin siya. Wala siyang, ‘I’m still playing.’ Walang gano’n,” nakangiting pagtatapat sa amin ni Francine sa Fast Talk with Boy Abunda.

Nagtatampo ang dalaga sa aktor dahil hindi man lamang daw tanungin ni Seth kung ano ang kanyang mga pinagkakaabalahan dahil sa sa pagvi-video game. “Tapos marami akong mag-chat na sunud-sunod. Kapag tinanong ko na, ‘Anong gawa mo? ‘Wala, tapos 1 hour pa after, ise-send na niya ‘yung picture ni Zelda. Hindi man lang niya ako tinanong, ‘Gusto mo maglaro tayo?’  Or hindi man lang niya tinanong, ‘Anong ginagawa mo? Bakit ang tagal mo?’ Wala na, kinain na ‘yung oras niya, kinain na ‘yung buhay niya ni Zelda,” dagdag pa ng aktres.

Dahil sa pambabalewala ni Seth kay Francine ay mayroon umanong mensahe ang dalaga para video game na nahihiligang laruin ng aktor. “Zelda, nahulog ka na ba sa bangin? Ihuhulog ko siya sa bangin para ma-experience niya,” natatawang pahayag ng dalaga.

Miguel, ‘di nagta-taxi sa ibang bansa

Kapag walang trabaho sa harap ng kamera ay sinisikap ni Miguel Tanfelix na maging payak lamang ang pamumuhay sa araw-araw. Kahit sa pamamasyal sa ibang bansa ay mas nais ng aktor na maranasan ang simpleng buhay. “‘Yon ang way ko para maging grounded sa buhay. Kapag nasa ibang bansa, never akong magta-taxi, rule ko ‘yan. Least priority ko na mag-taxi ako. Kung ang means of transportation nila ay tuktuk or tricycle, ‘yon ang sasakyan ko. Iba kasi talaga ang experience kapag mag-isa ka eh. Walang influence ng kahit sinong nasa paligid mo, parang gano’n. Ikaw lang at sarili mo ang magdedesisyon,” paliwanag ni Miguel sa GMA Integrated News Interviews.

Ayon sa Kapuso actor ay magkaiba sila ng mga hilig ng kasintahang si Ysabel Ortega kapag nagbibiyahe. Ang mahalaga para kay Miguel ay nagkakasundo pa rin sila ng dalaga. “Kaya masaya, kasi iisipin mo pwedeng mag-clash eh. Tina-try namin ang gusto ng isa’t isa. Katulad no’ng nag-Japan kami, may times na meron akong gustong puntahan, meron din siyang gustong puntahan. At the end of the day, ang pinakaimportante is paano kayo magko-compromise sa isa’t isa. Hindi lang siguro sa travel ‘yon pero sa lahat ng aspeto,” makahulugang pahayag ng binata.

Simula mamayang gabi ay mapapanood na ang Mga Batang Riles na pinagbibidahan nina Miguel, Kokoy de Santos, Raheel Bhyria, Bruce Roeland at Antonio Vinzon. Gagampanan ni Miguel ang karakter ni Kidlat na talagang malayung-malayo raw sa kanyang mga proyektong nagawa na noon. “‘Yung story po namin sumasalamin talaga sa mga tunay na buhay. ‘Yung nangyayari sa araw-araw sa mga nakatira sa riles ng tren. Gusto namin mas close sa reality, mas maganda,” pagtatapos ng Kapuso actor. (Reports from JCC)

Show comments