Isang pelikula sa MMFF, hindi pa umabot sa P4 milyon ang kinita!
Hanggang bukas na lang, Jan. 7, ang 50th Metro Manila Film Festival, at base sa nakalap naming datus, mababa talaga ang kinita ng ngayong taong filmfest.
Malayung-malayo ito noong MMFF 2023 na nag-extend pa dahil sa tuluy-tuloy na malakas ang mga pelikulang kalahok.
Malaki ang agwat noon ng top-grosser na Rewind na halos isang bilyon ang kinita.
Ngayong taon ay nangunguna pa rin ang And The Breadwinner Is… ni Vice Ganda, pero mukhang ito ang pinakamahinang pelikula ng Unkabogable Star.
Hindi naman official figures itong nakuha namin, pero reliable naman ang aming source, at ang sabi, as of Jan. 3 ay naka-P270M pa lang itong pelikula ni Vice Ganda.
Kaya tama nga ang sinabi ng aming source na itong Breadwinner lang ang makakabawi-bawi.
Ang layo raw ang pumangalawa na naka-P100M lamang daw ito.
Hindi na kasi namin nakuha ang ranking, dahil wala pa talagang may figures.
May ilang film producers din kaming kinulit, pero wala talaga silang ibinigay na sagot.
Nagkaroon sila ng kasunduang walang maglalabas kung magkano ang kinita ng kanilang pelikula.
Merong ilang vlog at social media account ang naglabas ng ranking ng top-grosser at ang kinita nito, pero hindi naman pala totoo ‘yun.
Abangan na lang natin ang official announcement ng MMFF Executive Committee o ng MMDA ni Atty. Don Artes.
Ayon sa mga napagtanungan namin, hindi pa raw umabot ng P600M ang total gross ng sampung pelikula. Pero umaasa pa rin daw silang aabot ito ng P800M bago matapos ang filmfest.
‘Yung limang top-grosser ay kumita naman daw ng mahigit P40M, pero ang ilang pelikula na nasa limang bottom ay hindi pa raw umabot ng limang milyong piso ang kinita nila sa loob ng halos dalawang linggong filmfest.
Ang panghuling pelikula nga raw ay halos P4M lang daw ang kinita as of Jan. 3. Ang sad talaga.
Ano kaya ang susunod na gagawin ng mga taga-MMFF para makabawi sila sa 51st edition nito?
Meron pa kayang Summer MMFF? Matutuloy rin kaya ang Manila International Film Festival sa Los Angeles, California?
Guwapitong young actor, nag-trending ang batibot video!; Sen. Jinggoy, walang pake kay Ipe
Bago natin sinalubong ang bagong taon, nagdagdag muna sa VMX, o ang dating Vivamax ang pelikulang Boy Kaldag na tinatampukan ng VMX actor na si Benz Sangalang. Inspired ito sa Totoy Mola ni Jay Manalo.
Nag-hit ito sa VMX at nanatiling number one sa naturang streaming service.
Kahit obvious namang prosthetics, pero bentang-benta pa rin ito sa VMX movies, kaya medyo nagbawas na sila sa daring scenes.
Sumabay pa ang pagkalat ng batibot video ng isang guwapitong young actor na ilang araw ring nag-trending sa X.
Kaya wagi pa rin at lalo pang tumaas ang subscribers ng VMX.
Napansin na ito ngayon ng ating mga mambabatas at nagsalita na nga si Sen. Jinggoy Estrada tungkol dito.
Ang sabi ni Sen. Jinggoy, ang dali lang kasi mabuksan ang streaming service na ito at kaya nang panoorin ng mga kabataan.
Hindi naman ito saklaw ng MTRCB kaya malayang mabuksan ito ng kahit na sino.
“My only concern there is the access of minors to dito sa streaming service na ito.
“In fairness, I’m sorry hindi pa ako nakakapanood ng any movie ng VMX o Vivamax. Meron lang ipinakita sa akin na mga erotic scenes na puwede palang makapag-access ‘yung ating mga kabataan. I don’t care about what they’re earning. Basta huwag lang maka-access ‘yung minors dun sa malalaswang na ipinalabas,” saad ni Sen. Jinggoy nang makatsikahan namin nang magpa-lunch siya nung bago mag-bagong taon.
Nakarating naman daw ito sa Viva, kaya nagkausap daw sila.
“Nakipag-usap na sa akin si Vincent (del Rosario) si Boss Vic, and they’re going to secure ‘yung safeguards and safety means para hindi makapag-access ‘yung ating mga kabataan, and I’ll take their word for it,” sabi pa ng senador / aktor.
Samantala, hindi rin naiwasang pag-usapan ang pulitika sa lunch na ‘yun ni Sen. Jinggoy sa entertainment press.
Napangiti na lang ang senador nang tinanong sa kanya ang pagtakbo ni Phillip Salvador bilang senador.
Obvious sa sagot niyang hindi niya susuportahan ang kaibigan.
Aniya, “Ako susuportahan ko ang aking mga kasamahan ngayon, ‘yung mga incumbent na mga kasamahan. ‘Yung pitong reelectionist, mga incumbent senators.”
Magkaiba naman kasi sila ng partido, at alam naman ng lahat na nasa ilalim ng partido ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang aktor.
Pero ang payo lang daw niya kay Kuya Ipe sipagan pa talaga ang pag-iikot at pangangampanya.
“I think he is aligned with former president (Duterte).
“Alam mo ‘pag walang experience sa national campaign, you have to strive more. Lalo na siya baguhan, e baka mahirapan. So, konting sipag,” sabi pa ni Sen. Jinggoy.
Ang isa pang tinutulungan ngayon ni Sen. Jinggoy ang partylist nilang BFF o Balikatan of Filipino Families na kung saan ang asawa niyang si Precy Ejercito ang first nominee, at kasama ring nominee ang anak nilang si Jolo Estrada.
- Latest