Aktres na nag-uumpisa pa lang sumikat, nanganak bago mag-pasko!

Isang malusog na baby boy ang iniluwal ng magandang aktres na ngayon pa lang sana umaa­lagwa ang showbiz career.

Nabigyan na siya ng magagandang projects ng kanyang home network, at exciting sana itong bagong teleseryeng ibinigay sa kanya.

 Ngayon ay nakapanganak na siya bago mag-Pasko, nakahanda na raw bumalik sa trabaho.

At tuloy pa rin siya sa teleseryeng mapapanood na, pero ewan ko lang kung sasagutin niya kapag magsimula na silang mag-promote.

Samantala, exci­ting din ang binubuong drama series na pagbibidahan ng kilalang matinee idol.

Ang ganda raw ng kuwento, pero sa ngayon ay wala pa silang maisip na magaling na aktres na ipa-partner sa kanya.

Mahalaga raw ang role, kaya kailangan daw talagang magpa-audition kung sino ang babagay sa iconic matinee idol na ito.

Pero papayag kaya ang mga magaling at sikat na aktres na magpa-audition dito kay matinee idol?

Tingnan natin!

Darryl Yap, nag-e-enjoy sa ‘panggagamit?!’

Tila nag-e-enjoy si direk Darryl Yap sa pagpansin sa teaser pa lang ng pelikula niyang The Rapists of Pepsi Paloma.

Naglikha ng ingay ang unang teaser nito, at ilang araw ring nag-trending.

Pati ang mga batang hindi kilala na at nagtatanong na sa amin kung sino ito at ano talaga ang nangyari.

Napapag-usapan kasi sa social media ito.

Sa February pa ang showing nito, at tuluy-tuloy ang promo nila sa social media na kung saan isa-isa nilang inilalabas kung sino ang nasa cast.

Ang latest na inilabas nila kahapon ay si Rosanna Roces daw ang gaganap bilang si Divina Valencia.

Curious kami kung sino ang kinuha nilang gaganap bilang mga pangunahing karakter.

May kilala kasi kaming magaling na aktor na gaganap bilang isa sa tatlong pangunahing karakter, pero tinanggihan ito ng kanyang management team.

Sinabi rin ng aktor na ayaw rin niyang gawin, at baka sa kanya pa mag-focus ang kanegahan kapag kinuyog na ito ng fans.

Ngayon pa lang ay marami nang nagtatanong kung papasa ba ito sa MTRCB. Sa titulo pa lang nito ay aaprubahan ba ng MTRCB na pinamumunuan ni Chairperson Lala Sotto-Antonio?

Ito nga ang tinanong sa guest namin sa DZRH nung Biyernes na si Dra. Ali Gui. Isa siya sa board members ng MTRCB na kung saan mas pinoprotektahan niya ang mga kabataang manonood.

Hindi pa makapag-comment si Dra. Ali tungkol dito dahil wala naman daw may isinumite sa kanila ng trailer o full length movie nitong Pepsi Paloma.

Noong Huwebes lang daw nag-start silang nagtrabaho sa MTRCB at wala pa naman daw silang nakikita. Kaya wala pa siyang maibibigay na komento tungkol diyan.

“Sa totoo lang, wala pa naman kaming nakikita.

“Alam mo ang daling mag-speculate, ang daling mag-comment ‘no? Pero paano kung wala pa? Kami dapat ang nakakaalam, pero wala pa naman kaming nalalaman, nakikita.

“And you know MTRCB, we cannot base our judgment sa hearsays. Kasi kami talaga we have to… hindi naman tayo naglalaro. Kaya kailangan nandiyan sa kamay namin, nakikita namin. That is the only time we can comment. Pero believe it or not, we really… and happy sa the way our Filipino artists, writers, moviegoers. ‘Di ba ang lahat na pelikula sa ng filmfest ang ganda! Perfect! Wala kang puwedeng sabihing hindi maganda,” saad ni Dra. Ali.

Ang kasunod na tanong ay may aksyon ba rito ang mga nadadawit sa kontrobersyal na pelikulang ito ni direk Darryl Yap.

Pero tingnan muna natin. Nagtanong kami sa ilang taong malapit sa mga ito kung may legal action ba sila laban sa pelikula, wala pa silang sagot.

Sabi ng isang abogadong napagtanungan namin, kung ang script daw ng pelikula ay ibinase sa documents sa korte, wala raw silang habol diyan. Public documents daw kasi ‘yun.

Pero ang isa pang narinig namin, hindi raw idiniin ang mga ito sa pelikulang ito, parang umayon pa nga raw sa kanila ang kuwento.

Talagang pinaingay lang daw na ginamit ang mga ito.

Mahirap pang husgahan dahil hindi pa naipalabas ang pelikula. Pero marami kaya ang maku-curious para panoorin ang pelikulang ito?

Siyempre, hindi sila curious dahil kay Pepsi Paloma, kundi ang pagkadawit sa mga kilalang personalidad.

Okay lang kaya sa kanila na magamit sila sa promo ng pelikulang ito?

Show comments