Nadisgrasya pala ang asawa ni Vice Ganda na si Ion Perez sa pagmo-motorbike niya kamakailan.
Ipinost nito sa social media ang mga litrato kung saan nakuhanan mismo ang kanyang aksidente niya sa motorbike race na may caption na “Nice angle!
“MM93 v Me.”
Kuhang-kuha ang pagbaligtad ng big bike niya habang nakalutang siya sa ere.
Sey ng mga netizen ano nga raw kaya ang reaksyon ni Vice Ganda na siguradong nag-alala.
Mukhang nasermunan daw nito si Ion. Kaya tanong nga nila, payagan pa kaya nito ang asawa sa pagmo-motor pagkatapos ng nangyari?
Aliw nga ang komento ng isang netizen na nakasabay raw niya si Ion sa kalsada na nagmo-motor. Pagod na pagod daw ang angel nito na ang ibig sabihin ay napakabilis nitong magpatakbo.
Maaalalang taong 2022 nang sinabi ni Ion na titigil na siya sa pagmo-motocross. Bukod daw sa magastos ay ayaw niyang pakabahin ang komedyante tuwing nagmo-motocross siya.
Hindi nga kasi masasabi ang aksidente kapag nagmo-motocross kaya para raw sa ikatatahimik ng damdamin at puso ni Vice Ganda ay magba-bike na lang muna siya.
Nag-video call pa nga sila noon ng asawa para ipaalam ang pagbili niya ng kanyang dream bike.
Mula nga noon ay nakahiligan na niya ang pagbibisikleta at hindi nga biro ang presyo ng bike niya at mga accessories nito.
Maaalala ring binanggit na ni Vice noon na nai-stress siya sa mister na takaw aksidente raw na konting kibot ay napipilay.
Pinaalalahanan naman ng mga tagahanga niya si Ion na mag-iingat palagi.