Robin, tuloy ang pagtutulak sa medical marijuana
Ahh suportado pala ni Senator Robin Padilla ang legalization ng medical cannabis sa Pilipinas.
Ang nasabing initiative umano ay naglalayon na palakasin ang healthcare access sa maraming Pilipino, lalo na sa walang kakayanang magpagamot.
Ayon kay Senator Robin: “Taos-pusong pasasalamat sa pagkakataong muling tumindig sa inyong harapan upang ipahayag ang aming walang patid na suporta para sa legalisasyon ng medical cannabis sa Pilipinas. Isang mahalagang isyung malapit sa aming puso, dahil direktang naaapektuhan nito ang kalusugan at kapakanan ng ating mga pasyente at mamamayan.
“Ang mga nakaraang pahayag ng World Health Organization ay nagpapatunay na ang cannabis ay may medikal na halaga at inirekomenda ang pagtanggal nito sa listahan ng mga tahasang ipinagbabawal na gamot. Ang posisyong ito ay sinusuportahan din ng United Nations, na kinikilala ang cannabis bilang isang lehitimong medisina,” sabi pa aktor / senador sa isang media conference kahapon.
Sa kasalukuyan daw tanging ang mga mayayaman lamang ang may legal na access sa medical cannabis, na kadalasang nagpapatingin sa ibang bansa tulad ng Switzerland, US, Australia, at Canada upang makakuha ng mahal na presyo ng medical cannabis.
Dagdag pa niya, katulad ng pagsasaliksik at pag-develop ng medical cannabis sa ibang bansa, nais umano ng Pilipinas na makabuo ng sariling bersyon ng legalisasyon ng medical cannabis na mula sa Pilipino, para sa mga Pilipino.
Katulad daw ng pagsasaliksik at pag-develop ng medical cannabis sa ibang bansa, nais ng Pilipinas na makabuo ng sariling bersyon ng legalisasyon ng medical cannabis na mula sa Pilipino sa pagtatatag ng Philippine Medical Cannabis Authority (PMCA).
Sa ilalim daw ng iminungkahing batas, itatatag ang PMCA na susunod sa modelo ng Israel Medical Cannabis Agency (IMCA).
Ang PMCA daw ang magiging responsable sa pagbibigay ng mga permit at lisensya para sa paggamit ng medical cannabis at magpapatupad ng Comprehensive Cannabis Medicalization Plan.
At may kwalipikasyon naman daw para maiwasan ang mga pagkalat nito sa mga hindi may kailangan.
Ito raw ‘yung may malubhang kondisyon na maaaring makinabang sa therapeutic at palliative na benepisyo ng medical cannabis na magiging saklaw sa ilalim ng mahigpit na regulasyon upang matiyak na ang paggamit ng medical cannabis ay naaayon sa batas at ligtas.
Ayon pa kay Sen. Robin, “panahon na upang pakinggan natin ang mga hinaing ng mga magulang at pasyente na naghahangad ng legal na access sa kinakailangang gamot. Ang batas na ito ay nagbibigay ng pag-asa at ginhawa sa mga Pilipinong nangangailangan.”
- Latest