^

PSN Showbiz

Sen. Imee, aprub na imbestigahan sa Senado sina Anthony at Maris

SHOW-MY - Salve V. Asis - Pilipino Star Ngayon
Sen. Imee, aprub na imbestigahan sa Senado sina Anthony at Maris

Dahil sa pahaging ng ex-gf ng actor

Tataya si Sen. Imee Marcos kay Sofronio Vasquez at malakas ang paniniwala niyang sisikat ang Pinoy singer matapos mag-champion sa The Voice USA.

“Tataya ako d’yan, eh,” deklara ng senadora sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery na pag-aari ni Wilson Flores.

Naghain din siya ng resolution upang kilalanin ang mga katulad ni Sofronio, ganundin si Billy Crawford, na nagbibigay ng karangalan sa ating bayan.

“Kailangan kilalanin lahat ng sumisikat at nagbibigay-dangal sa Pilipinas. Kailangang kilalanin natin ‘yan. Kung minsan, parati na lang ‘yung mga pulitiko, kung minsan ‘yung mga atleta, eh. ‘Wag naman nating kalimutan ‘yung mga ar­tists. Kasi talagang nagbibigay talaga ng pride, ‘ika nga, karangalan sa ‘Pinas,” diin niya kahapon sa ilang kausap na entertainment media.

Isang ehemplo raw ang singer “of how one’s talent and determination can ultimately lead to success. Despite having been rejected many times and going through difficult adversities in life, Vasquez used these to turn the chair around which got him the best redemption anyone could ever imagine.”

Nakapaloob sa inihaing Senate Resolution No. 1260 ng senadora na ang panalo ni Sofronio ay maituturing na “international event” dahil hindi lamang mga Pinoy ang nag-root para sa kanya kundi maging ang mga taga-Indonesia, Singapore, Malaysia at China.

Samantala, sa nasabing Pandesal Forum ay nagbigay rin ng reaksyon si Sen. Imee tungkol sa napapabalitang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot nina Maris Racal, Anthony Jennings at Jam Villanueva sa isyu ng droga.

Nag-ugat diumano ito sa pagsilip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilang screenshots na ipinost ni Jam sa social media na tila may pahaging sa illegal drugs. Diumano’y kukuwestiyunin ng ahensiya ang tatlo para malinawan ang isyu.

Nagkakaisa diumano sina Senators Bong Revilla Jr., Risa Hontiveros, Ronald “Bato” dela Rosa at Jinggoy Estrada sa paniniwalang dapat linisin ang masamang impluwensya ng droga sa industriya.

At agree si Sen. Imee rito. Dapat lang aniyang alagaan ng mga artistang iniidolo, lalo ng mga kabataan, ang kanilang mga sarili.  “They are held to a higher level of conduct and morality. Ang problema kasi, sila ang hinahangaan ng kabataan, sila ang iniidolo, tapos sila pa ang nagkakalat. ‘Wag naman sana. Dapat alagaan din nila ‘yung sarili nila at intindihin na ‘yung imahe nila, ’yun nga ang pinaninindigan at naniniwala ang mga kabataan. So ‘eto nga, nabalitaan ko na magkakaroon nga na iba’t ibang imbestigasyon.

“Unang-una, parati kong sinasabihan ang ating law enforcement, ‘wag kayo masisindak kahit artista ‘yan o sikat, imbestigahan ninyo at talagang patawan ng sapat na parusa. Hindi naman dapat inaareglo palibhasa may kaya, may abogado, natatakot sa may hawak, ‘wag ganu’n. Dapat talaga tuluy-tuloy. Dapat mas istrikto nga, kung tutuusin, kasi parang opisyal na rin sila kasi hinahangaan nang todo,” saad niya.

‘Yun nga lang, kung mapapansin daw, lagi siyang absent sa Senate investigation. Aniya, tinatamad siya sa mga imbestigasyon. Mas masipag daw siya sa ibang bagay at para sa kanya, ‘pag nag-imbestiga at nakita nang may ebidensya, dapat itigil na. “Tama na. I-turn over na sa ating mga imbestigador na totoo, ‘yung CIDG, NBI, ibigay na sa mga professional, higit sa lahat, patawan na ng kaso, dalhin na ‘yan… kaladkarin na ‘yan sa korte. Kung may sala, parusahan na. Wala nang ekse-eksena. ‘Yun na ang problema natin d’yan, eh.”

Dagdag niya : “Nasisira tuloy ang pangalan ng ilang pulitiko na sinasabi hindi na raw in aid of legislation kundi in aid of reelection. Eh, hindi dapat ‘yon kasi hindi naman kami huwes, eh. Hindi naman kami magku-convict. Hindi naman namin kayang patawan ng kaso, hindi kami maghahain ng anumang criminal asunto o magkulong ng maski sino,” diin pa ni Sen. Imee na muling tumatakbo sa pagka-senador sa 2025.

IMEE MARCOS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with