Ninety five percent healed na ang injury sa Achilles tendon ni Sen. Bong Revilla.
Maaalalang inamin ni Senator Bong noong May na muling nagbukas ang kanyang sugat sa Achilles tendon surgery. Sinabi that time ni Sen. Bong na pinayuhan siya ng kanyang mga doktor na kumuha ng medical leave sa Senado dahil ipinagpatuloy niya noon ang pagdalo sa mga sesyon.
Dumanas ang aktor / pulitiko ng bahagyang pagkapunit ng kanyang Achilles habang kinukunan ang isang running scene sa kanyang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis season 2, at nagrekomenda ng operasyon ang kanyang mga doktor.
Ngayon ay umaatikabo ang action scenes niya sa season 3 ng WMNPSMNM. “Sabi ko nga ngayon 95%. Hindi ko masabing 100 (healed) dahil may numbness pa ng konti, 95 % naman,” banggit ng aktor / pulitiko.
Bongga ang mga eksena nila sa bagong season ng kanyang family comedy show na mapapanood na ulit sa GMA 7 umpisa sa Dec. 22.
Na bukod sa konting ensayo sa mga bakbakan, kung saan may ipinakita silang eksena na tumilapon siya sa flyover, regular na rin ang workout niya bagama’t sa sobrang busy aniya, hindi pa rin masasabing normal ang lahat sa kasalukuyan.
“Dati everyday eh, ‘di ba. Eh, palagi akong punong-puno ng schedule everyday,” sabi niya na mas pumayat ngayon.
Pero meron na rin pala siyang maintenance.
“Meron na. Meron na rin,” pag-amin niya.
“Sa high blood. Natural na ‘yun.”
Nagda-diet din siya kaya nga nabawasan ang kanyang timbang.
“Oo, diet. Hindi na tayo bata. Usually, when you reach 40, maintenance ka na eh ‘pag erratic ‘yung BP (blood pressure) mo,” sabi pa niya sa amin.
Sa ipinakitang trailer, palaban siya sa mga matitinding aksyon ala-Coco Martin. Talagang all-out.
“Swerte ko rin at nakagawa ako ng Walang Matigas Na Pulis… Nakita n’yo naman (sa trailer), nakakatalon ako, nakaka-dive ako, nakakatakbo ako, kung ano ‘yung kailangang ipagawa sa akin ng direktor, nagagawa ko.
“Basta nu’ng binigyan ako ng go signal ng doktor ko, ‘you can do anything, you can jump, kung anuman,’ ginagawa ko lahat. Wala akong takot,” kuwento pa ng Titanic Action Star ng local showbiz.
At may gagawin din siyang movie na ayaw niya talagang magbigay ng kahit kaunting impormasyon na mas matindi aniya ang bakbakan at tatlo ang kanyang gagampanang papel. “I want to prove something na kahit ganito, kaya ko pa.”
At kahit action king na siya noon, nag-train pa nga rin siya upang i-polish ang mga move niya. “Syempre, ipa-polish mo pa rin ulit, ibabalik mo pa rin ‘yung training mo sa lahat ng ginagawa mo.”
Kumusta, wala pa bang mga aray? O nahirapan ka na ba?
“No, it’s in the blood. Ayaw natin ma-shortchange ‘yung mga tagahanga natin. Gusto natin ‘pag pinanood nila tayo, sulit ‘yung oras nila. Sa sine, sulit ibabayad nila. Sa TV naman, sulit ‘yung oras. In fact, kapag nanood ka nitong Walang Matigas... para kang nanonood ng pelikula”
Pelikula raw talaga ang kosepto nila rito sa bagong season ng Walang Matigas... “Basta, ang masasabi ko lang, ‘yung istorya nito, mas matindi. Mas may kurot sa puso. Konektado sa pamilya. Makaka-relate kayo,” sabi pa ng actor-senator na inaming meron siyang dalawang anak na dalawang babae na hindi si Rep. Lani Mercado ang ina.
Yup, hindi na itinatanggi ni Sen. Bong may anak siya sa iba.
Na hindi naman niya talaga inililihim kahit noon pa man, open secret na ‘yun sa showbiz.
“Alam ni Lani ‘yun. Meron, meron. Makikilala n’yo rin kung sino siya…,” dagdag pa niya pagkatapos isapubliko ang kanyang mga anak sa ibang babae.
“‘Pag anak mo, anak mo ‘yun. Dugo mo ‘yun. At hindi ko ikinahihiya ‘yung ganu’n,” dagdag ng aktor/pulitiko.
“Bilang isang ama, ayokong magkasakitan ng loob ‘yung mga anak ko, pero maiintindihan naman nila ‘yun. Alam mo na patas ako sa lahat.”
Anyway, magsisimula na sa Dec. 22 ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis season 3. Si Beauty Gonzalez pa rin ang ka-partner niya with Leo Martinez, Jillian Ward, Niño Muhlach, Faith da Silva, Gloria Diaz, Jay Manalo, Joko Diaz, Sid Lucero, Ryan Eigenmann at marami pang iba, directed by Enzo Williams.