Andrea, papasok sa UAAP

Andrea Brillantes.

Nagpaplano si Andrea Brillantes na ipagpatuloy ang pag-aaral kung mabibigyang ng pagkakataon. Talagang nangangarap ang dalaga na makapagtapos ng kolehiyo.  “Actually, gusto ko talagang bigyan ng time ‘yung pag-aaral ko. So, I think it’s not just if given the possibility. I really am planning na makapag-college ako nang seryoso,” pagtatapat ni Andrea.

Mayroon nang napiling unibersidad ang aktres kung saan siya mag-e-enroll. Ayaw pa lamang ibahagi ni Andrea kung ano ang pangalan ng eskwelahan upang hindi ito maudlot. “Yes, nangangarap ako na makapasok sa UAAP school. Ayoko lang banggitin kung saan kasi baka ma-jinx or nasa-shy ako baka asarin ako ng mga tao. Nangarap ako, of course,” giit ng dating child star.

Napatigil sa pag-aaral si Andrea nang simulang gawin ang Kadenang Ginto noong 2018. Pumatok nang husto sa mga manonood ang naturang serye ng ABS-CBN kaya napanood hanggang 2020. “Kumakayod po ako eh. Dati nag-stop ako sa pag-aaral noong nagtrabaho ako for Kadenang Ginto at napakalaking desisyon para sa akin. Mahirap ‘yon para sa akin kasi ayoko naman talagang itigil ‘yung pag-aaral ko pero sa buhay natin meron tayong kailangan harapin at piliin. Kailangan nating gumawa ng big decisions in life. Pinili ko mag-focus muna sa pagtatrabaho ko. Pero ‘di ko pa rin kinalimutan ang pag-aaral at binalikan ko pa rin ito dahil importante sa atin ang edukasyon. ‘Wag rin tayo ma-pressure dahil lahat tayo may sari-sariling istorya,” makahulugang pahayag ng aktres.

Jak, ayaw katrabaho si Sanya

Mayroong isang aktres na ayaw makatrabahao si Jak Roberto. Ayon sa Kapuso actor ay hindi maganda ang kalalabasan ng trabaho kapag nakaeksena ang tinutukoy na aktres. “Grabe ito, ang lala talaga. Ayaw ko nang makatrabaho si Sanya (Lopez). Nagtatawanan kami kapag nagkaka­tinginan kami. ‘Di ba ‘pag uma-acting kami, eh di seryoso ‘yung eksena, hindi namin kaya,” natatawang pahayag ni Jak sa Lutong Bahay.

Matatandaang nagkatrabaho noong 2014 sina Sanya at Jak sa seryeng Half Sisters. Mahirap para kay Jak na gumawa ng isang seryosong eksena kung ang nakababatang kapatid ang katrabaho. “Seryoso na ‘yung eksena, nag-iiyakan na ‘yung dalawang artista tapos nagkatinginan kami, wala na. Tapos after no’n, tumawa na kami nang tumawa,” kwento ng Kapuso actor.

Mukhang mahihirapan umano si Jak kung muli silang magkakatrabaho ni Sanya sa isang proyektong drama ang tema. “Pwede, depende naman. Ngayon ‘yon ang pakiramdam ko, challenge. Kapag nagkatinginan kami, puro kami asaran sa bahay, ‘di ba? Tapos umaakting-akting, mahirap talaga ‘yon,” nakangiting paglalahad ng binata. (Reports from JCC)

Show comments