Malapit nang mapanood sa GMA Network ang seryeng My Ilonggo Girl na pagbibidahan ni Jillian Ward. Ayon sa Kapuso actress ay ibang-iba ang matutunghayan ng kanyang mga tagahanga sa bagong proyekto. “After two and a half years po sa Abot Kamay Na Pangarap na lagi po akong umiiyak bilang si Dra. Analyn. Dito naman po mas fun lang po dito pero challenging po siya for me. Kasi ‘yung isa ko pong character, may Ilonggo accent po siya,” nakangiting bungad ni Jillian sa 24 Oras.
Si Michael Sager ang makakatambal ng dalaga sa bagong GMA series. Matatandaang nagkatrabaho na rin sa Abot Kamay Na Pangarap sina Jillian at Michael. “Nae-excite po kasi first time ko po magkakaroon ng love team talaga sa isang show. Kasi po sa Abot Kamay… ‘yung ka-pair ko po do’n puro unexpected,” pahayag ng aktres.
Nakapagpahinga na umano si Jillian pagkatapos ng mahigit dalawang taong trabaho sa nagwakas na serye. Ngayong Kapaskuhan ay susubukan naman ng aktres ang pagluluto para sa kanyang pamilya. “Pumunta ako ng Thailand with my friends and my family. So nakapagpahinga din naman, napakapag-recharge. Feeling ko, na wala lang, carefree lang ako. Magta-try po akong magluto at aaralin ko talaga magluto. Kasi nakakahiya sa aking pamilya dahil ang mother side ko po mga Ilonggo, ang father side ko mga Kapampangan. Tapos ako po ‘yung hindi marunong magluto. Gusto ko pong magluto ng kare-kare, adobo, sisig,” paglalahad ng dalaga.
Na-trauma!
Nailabas na ang full trailer ng Green Bones na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Ruru Madrid. Isa ito sa mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival 2024 ngayong Kapaskuhan. Ginampanan ni Dennis ang karakter ni Domingo Zamora na nabilanggo dahil sa salang pagpatay sa sariling kapatid na babae. “Dito sa character ko na ‘to, mayroong phase do’n sa kwento niya na kinailangan niyang mag-sign language. Dahil do’n sa trauma na naramdaman niya, parang ayaw niya muna magsalita,” bungad ni Dennis.
Bilang paghahanda sa naturang MMFF entry ay kinailangan pa umanong magbawas ng timbang ng aktor. Nag-aral din ng sign language si Dennis at kinailangang mas maging mapagpahayag ang mga mata sa karamihan ng eksena. “Kahit tinginan pa lang, naiintindihan mo na kung ano ‘yung gustong ipahiwatig ng kwento. Kailangan lang mag-effort kasi ang tagal ko na dito sa industriya. Kailangan may maipakita naman akong bago,” pagbabahagi ng Kapuso actor.
Kabilang din sa Green Bones sina Iza Calzado, Michael de Mesa, Wendell Ramos, Ronnie Lazaro, Kylie Padilla, Sofia Pablo at Alessandra de Rossi. (Reports from JCC)