Igan, three months lang nag-therapy

Arnold Clavio

Aminado ang isa sa mga poste ng early morning show ng Kapuso network na  Unang Hirit, si Arnold Clavio, na kahit umabot na sila  ng 25 year sa ere ay ‘di pa rin siya nauumay bilang anchor nito.

In fact, nagsilbi pa itong inspirasyon para agad siyang magpalakas at magpagaling matapos dumanas ng hemorrhagic stroke noong Hunyo.

Sa mediacon para sa week-long anniversary celebration ng programa na ginanap sa Gateway 2 nitong Martes, sinabi ni ‘Igan Arnold na, “Sigu­ro audience ’yung makakapag-decide nu’n (umay) dahil hangga’t nakikita namin sa, ito reyalidad naman, ratings, commercial loads, parang ‘di ka mauumay. Kasi hinahanap din po ng katawan ko. Actually, ‘yung nangyari po sa akin, mga three months din po ako nawala sa ‘Unang Hirit,’ pinilit ko po talaga makabalik. Kasi hinahanap ko… paggising ko, wala kang ginagawa, biro mo? Kailangan magpalakas ka, magpagaling ka. Pero ‘yun ‘yung naging motivation ko na makabalik agad. Kasi binigyan ho ako ng six months na maka-rehab, in three months ho, tumatawag na po sa ’kin, gusto mo nang bumalik? Iba ‘yung inspiration na nabibigay po sa akin, personally, ng ‘Unang Hirit’ paggising ko sa umaga.”

Ikinuwento rin niya na walang ipinagbago sa commitment niya mula nang mabigyan siya ng tsansang mag-host ng early morning show.

“’Yung commitment mo everyday, ganu’n na lang. Gigising ka nang iniisip mo ‘yung viewer, ‘no? Ngayon, ‘yung direksyon na tatahakin namin, siguro it would be the same na nagustuhan ng tao, eh, wala na akong nakikitang dapat baguhin. Medyo with the emergence ng social media, kung mapapansin n’yo, medyo ’yun na rin ang direksyon namin, ‘no?”

Ibinigay niyang halimbawa ang pagkakaroon ng social media platforms ng ‘UH’ sa TikTok, Facebook, atbp.

“And surprisingly, pati sa mga bus na may TV, nakikita namin nagku-comment, eh, sa amin. So naging wide na ‘yung audience namin, naging global, so mas siguro ‘yun ang direksyon namin.

Sasabay ka rin sa ano, eh, sa pagbabago sa mundo,” diin pa ni ‘Igan.

Personally, patuloy niya, wala siyang nakikitang malaking pagbabago sa mga ginagawa niya dahil kung ano ‘yung ginagawa niya sa loob ng 25 taon, ‘yun pa rin umano ang gagawin niya sa show hanggang ngayon.

Bukod kay ‘Igan, ang Unang Hirit barkada ay binubuo rin nina Ivan Mayrina, Susan Enrique, Suzi Entrata-Abrera, Lyn Ching, Atty. Gaby Concepcion at ang mga baguhang sina Shaira Diaz, Anjo Pertierra, Chef JR Royol at Kaloy Tingcungco.

Sila ay napapanood weekdays, 5:30 a.m., sa GMA-7.

Show comments