May mga naiyak (kasama kami) sa post ni Sharon Cuneta ng photo ng tatlong mga anak niyang babae at may caption na “My present phone wallpaper... taken years ago... when all was right in my world.” Tapos sumagot si KC Concepcion ng “I love you mama.”
Dito pa lang sa post ni Sharon at sagot ni KC, maiiyak ka na, idagdag pa ang comment ni Judy Ann Santos na “Everything will be alright soon my ate..”
Pati followers ni Sharon sa Instagram apektado sa post ni Mega at wish nila, ngayong Pasko at pagpasok ng Bagong Taon, maging maayos na ang lahat. May nag-comment pa ng “Praying for healing, love, and family reconnection” at “God will grant all you prayed and wish for especially for your children.”
Masaya na sana ang fans dahil okay na sina Sharon at Gabby Concepcion, close na sila at kahit siguro nakabalik na sila ng bansa, hindi mapuputol ang kanilang renewed friendship. Wish ng fans, maging tulay si Gabby para magkaayos na sina Sharon at KC.
Faith at Anjo, may pag-asa
Hindi natanong sa mediacon ng 25th anniversary ng Unang Hirit kung single ba si Anjo Pertierra, ang weather forecaster ng morning show ng GMA 7 o kung may nililigawan.
Baka kasi magselos ang GF nito o ang nililigawan dahil tinutukso siya kay Faith da Silva nang mag-guest si Anjo sa TiktoClock. Ang daming kinilig na viewers at ang request nila ay muli siyang mag-guest. O kaya’y si Faith naman ang mag-guest sa UH, kahit daw hindi siya interbyuhin ni Anjo dahil weather forecaster siya.
Wala rin naman atang boyfriend si Faith at walang nababalitang nanliligaw and after ma-link kay Albert Martinez, hindi na uli na-link. O, baka hindi lang natin alam.
Sa mediacon ng UH, nakakatuwa ang kuwento nito na dahil sa binibiling pandesal ni Arnold Clavio, naging close siya sa mga host ng program.
“Baguhan ako sa show at intimidated ako sa kanila. Sa simula, may place sa studio na doon lang ako, hindi ako lumalapit sa kanila. Bumili ng pandesal si Igan, lumapit ako para kumuha at ‘yun na ang simula nang paglapit ko sa kanila. Araw-araw, lumalapit ako para kumuha ng pandesal hanggang later on, hindi na lang ako kumukuha ng pandesal, nag-i-stay na rin ako para makipagkuwentuhan,” sabi ni Anjo and the rest is history, part na siya ng “pamilya” ng UH.
Samantala, this Monday, Dec. 2, 2024, ang simula ng selebrasyon ng 25th anniversary ng UH na magku-culminate sa Dec. 6 na tatawaging National Unang Hirit Day.
Maraming inihanda ang barkada para sa kanilang loyal viewers at ang maganda, all over the country ang selebrasyon.
Jillian, susubok sa aksyon
Sa Dec. 22, na nga ang premiere ng Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis at ramdam na mahal ni Sen. Bong Revilla ang mga kasama sa action-comedy series. Kahit hindi taping day, nagkikita-kita pa rin sila, kumakain at nagkukuwentuhan.
Sa pinost na photo ni Bong, kasama niyang kumain ang cast ng action-comedy series sa pangunguna ng leading lady niyang si Beauty Gonzalez. Nasa picture rin sina Dennis Padilla, Niño Muhlach, Jestoni Alarcon, Maey Bautista, Raphael Landicho at at Carmi Martin. Ibig sabihin, kasama pa rin sila sa season 3.
Nakita rin namin sa larawan si Jillian Ward, iisipin mo tuloy na hindi lang siya maggi-guest sa show ni Bong, baka mas mahaba ang kanyang participation. Doktora rin ang role ni Jillian, pero hindi siya magda-drama gaya sa Abot-Kamay na Pangarap, magku-comedy raw siya at baka mag-action pa.