Sa unang araw nitong pagpapalabas sa Prime Video Philippines noong Huwebes (Nobyembre 28) ay agad nangunguna ang Kapamilya drama serye na Saving Grace bilang most-watched TV show sa streaming platform.
Bukod sa Pinas, napapanood din ito sa mahigit 240 international countries at territories sa Prime Video.
Ipinalabas kamakailan ang first two episodes ng serye, kung saan mas nakilala ng mga manonood ang karakter ni Julia Montes na si Teacher Anna at ang kanyang masalimuot na nakaraan. Doon din niya makakasalamuha ang estudyante niyang si Grace, na ginagampanan ng promising child star na si Zia Grace.
Sa likod ng mga ngiti at mapagmahal na ugali ni Grace, isasambulat ang kapabayaan na kanyang dinaranas mula sa kanyang inang si Sarah (Jennica Garcia) at malupit na pang-aabuso mula sa kanyang ama-amahang si Chito (Christian Bables).
Dahil dito, hinamak ni Anna ang kanyang sarili nang itakas niya si Grace mula sa kanyang mga magulang, mabigyan lang siya ng tamang pag-aaruga. Pero sa kanyang pagkawala, pilit siyang hahanapin ni Sarah nang humingi siya ng tulong sa public service host na si Miranda Valdez, na ginagampanan ng Megastar na si Sharon Cuneta.
Dito rin ipinakilala ang mga karakter nina Janice de Belen bilang ina ni Anna na si Helena, at Sam Milby bilang mamamahayag na si Julius. Sa mga susunod nitong episode, alamin ang kanilang papel na gagampanan sa buhay nina Anna at Grace.
Sa produksyon ng Dreamscape Entertainment, ang Saving Grace ay ang Philippine adaptation ng Japanese drama mula Nippon TV na Mother na kinikilala rin bilang most exported Asian title sa mundo.
Sa direksyon nina FM Reyes at Dolly Dulu, mapapanood na on-demand ang Saving Grace sa Prime Video, with two new episodes na dapat abangan tuwing Huwebes.