Sec pinaliwanag ang mga kaso...
Hindi na bago sa ilang artista itong nangyari kay Neri Naig na sangkot sa investment scam.
Nandiyan ang isyu noon nila Luis Manzano na nalusutan niya, si Ricardo Cepeda na nakulong ng 11 months, meron ding kay Ken Chan na nagtatago pa rin hanggang ngayon, at ang latest itong kay Neri Naig, na naka-detain pa rin sa Pasay City Jail.
Hindi natuloy ang arraignment kay Neri noong Huwebes sa Pasay Regional Trial Court dahil nagsumite ng motion to quash ang kampo ng aktres at negosyante.
Kaya nai-move ang arraignment sa Jan. 9, 2025 at kailangan pang hingan ng komento rito ang sa prosecution.
Magsisilbing leksyon ang nangyari kay Neri sa celebrities na nakukuhang mag-endorse ng mga ganitong negosyo, lalo na ‘yung may kinalaman sa investment.
Napanood ko ang interview kahapon nina Ali Sotto at PatP Daza sa daily show nilang Ano Sa Palagay N’yo o ASPN sa Net 25 at nakausap nila ang sa Enforcement ng SEC na si Director Filbert Flores.
Ipinaliwanag niyang sa ganitong negosyo na may kinalaman sa investment, nadadamay pati ang endorser kapag nasasangkot sa problema o kaso.
Bahagi ng paliwanag ni Flores, “Kung ang endorsement mo ay parang commercial na ‘ay pumunta ka dito magandang serbisyo niyan, magandang produkto ito o magandang softdrinks ito, walang problema ‘yun.
“Pero ‘pag sinabi mo magandang business ito, mag-invest kayo rito, ‘yun ang draw a line. Dapat dun, hindi ka sasama sa ganun. ‘Pag sumama ka dun, sama ka na.
“Kailangan ho may active na ginawa ‘yung tao, hindi po dapat ganun.”
Dapat na maging maingat daw dito ang talent managers sa nakakausap nilang gustong kunin ang artista nilang mag-endorse ng isang kumpanya o produkto. Dapat daw na tsini-check ito ng manager ng isang artista. “The moment po na naghikayat na ginamit yung pangalan mo, kailangan ‘uy hindi ‘yan, mali ‘yan. O tanungin mo na agad, kasi hindi ka dapat magamit ‘yung pangalan mo sa mga nag-offer ng investment, kahit na anong pangalan ‘yan, franchise, co-ownership, partnership, business something, may mga ganun e. Ibang pangalan lang. Huwag po,” sabi pa ng taga-SEC.
Kaya nga kapag may endorsement na launching ng isang kilalang celebrity, sinasabi ng ibang artista na bago raw nila tinatanggap ang isang produkto, tinitingnan muna nila kung maayos bang produkto, ‘yung wala kang makukuwestiyon. “Siyempre kung may produkto ba? ‘Yung produkto ba na ‘yun ay may presyo ba… meron bang necessity para bumili ka nu’n. Rasonable ba ‘yung value niya, kasi baka kapirasong sabon, Kojic soap, mga isang libo o 1,500 ‘yung isa, reasonable ba ‘yan?
“Kapag ‘yung kita mo connected sa recruitment, ‘yung hindi ka mag-recruit wala kang kita, matik ‘yun,” sabi pa nito.
Kaya importante raw na i-check lalo na ‘yung sinasabi nilang 8-point test ng isang negosyo. Madali lang naman i-check ‘yun, dahil nakikita raw ‘yun sa Google.
Kaya nalabag ni Neri ang RA 8799 ng Securities Regulation Code, kaya siya nakasuhan.
Pero ipinaliwanag naman ng kampo ni Neri na noong September pa ay naglabas na ang aktres sa kanyang Facebook account na wala na siyang kinalaman sa kumpanyang dati niyang ini-endorse, ito nga ‘yung sa Dermacare. Napag-alaman pa noong September na ang naturang kumpanya ay hindi pala rehistrado at walang lisensya para magbenta ng securities.
Naniniwala ang kampo ni Neri na mapapawalang-sala siya rito dahil may sapat silang ihahaing ebidensya na wala na siyang kinalaman sa kumpanyang ito.
Ang nakakalungkot lang, baka hindi pa makasama ni Neri ang pamilya niya sa Pasko at magtatagal pa siya sa kulungan habang iniimbestigahan ng prosecution ang kasong kinakaharap niya.
Shira, muntik na sa sparkle
Isa sa napaka-promising na talents ng Starkada sa Net 25 ay itong si Shira Tweg na nagwaging Best New Movie Actress ng PMPC 39th Star Awards for Movies.
Napanalunan ni Shira ang naturang parangal sa pelikulang Sugat sa Dugo na kung saan nanalo ring Best New Movie Actor ang lead actor ng pelikulang ‘yun na si Khai Flores.
Si Shira pala ay muntik na ring kunin ng Sparkle bilang contract star nila, pero kapipirma lang niya noon sa Net 25.
Kaya nung makatsikahan namin sa DZRH nung Martes, tinanong namin kung lilipat ba siya sa Sparkle pagkatapos ng kontrata niya sa Net 25?
“Depende po talaga sa mom ko. Siguro magso-solo po muna ako for the meantime. Then let’s see what will happen,” safe lang na sagot ni Shira.
Patuloy pa rin kasi sa pag-aaral ang bagets na kung saan ay nasa Grade 12 na ito sa La Salle Greenhills.
Pero kung sakaling suwertehin na maging Sparkle talent siya, gusto sana ni Shira na makatrabaho si Jillian Ward, dahil matagal na raw siyang fan ng Star Of The New Gen.
Gusto rin daw sana niyang makatrabaho ang mga kaedaran niyang Kapuso artists na sina Marco Masa at Ashley Sarmiento.
Bukod sa pag-aaral ay pinaghahandaan na ni Shira ang second single niyang Laro na natapos na rin ang music video nito.
Hopefully raw ay matapos na rin daw ang mini-album niya by January 2025.