Naka-relate... kilalang aktres, iyak nang iyak sa pelikulang Wicked!

Elphaba
STAR/File

May nasagap kaming kuwentong todo iyak ang isang kilalang aktres pagkatapos niyang panoorin ang pelikulang Wicked.

Hindi ko pa napanood ang pelikulang ito, pero ang kuwento sa amin, ang dami raw naka-relate sa bida ng Wicked na si Elphaba Thropp na tipong misunderstood siya.

Ewan ko kung tama ako sa interpretasyon ko sa kuwento nito, pero itong si Elphaba raw napagbuntunan ng sisi at lumabas na may kasalanan, pero nanatili na lang siyang tahimik.

Hindi na lang daw nagsalita para ipagtanggol ang sarili, kundi sinarili na lang at hinayaang siya ang batikusin ng lahat.

Kaya ganun na lang daw ang iyak ng kilalang aktres dahil ganun ang pinag­daanan niya nang sa kanya ibinunton ang sisi ng hiwalayan ng kilalang showbiz couple.

Siya ang lumabas na sumira sa relasyon ng showbiz couple na ito, na hindi naman pala.

Iba kasi ang impression sa kanya ng karamihan, pero misunderstood lang siya talaga. Hinayaan na lang niya na ganun ang maling pagkakilala sa kanya.

Kaya nung pinanood daw niya ang pelikulang Wicked, nagngangawa na raw ito pagdating sa kotse niya.

Ang tagal daw niyang nahimasmasan dahil nakita raw niya ang sarili kay Elphaba Thropp.

Sa totoo lang, ang dami sa showbiz na misunderstood lang talaga na pinuputakti ng matinding panghuhusga at nababatikos. Pero iba ang tunay nilang pagkatao.

Seth, pinaninindigan na si Francine!

Ramdam naman ng lahat na totoo at hindi pang-promo lang ang sagot nina Seth Fedelin at Francine Diaz sa media conference ng Metro Manila Film Festival entry nilang My Future You ng Regal Entertainment.

Nasa friendship level silang dalawa, pero sabi nga ni Seth bahagi si Francine sa kanyang future. “Magiging totoo lang po, may possibility naman talaga dahil palagi kaming magkasama sa trabaho. Pero magiging totoo rin po ako, sa lahat ng pinagdaanan din po namin ni Francine, priority po namin is ‘yung trabaho po namin. Lalo na sa panahon ngayon. Trabaho namin, pamilya namin, pag-aaral. And siguro, ‘yung friendship na meron kami ni Francine, mas naggu-grow siya.

“Mas nandun na ako sa tipo na kaya ko na siyang protektahan… Kaya ko nang magsalita rin. ‘Yun ang sinabi ko kanina, ‘di ba, huwag magsalita. Pero meron din dapat panahon na magsalita ka sa tamang tao na ipaglalaban mo.

“So ganun ‘yung meron akong nararamdaman para kay Francine. Kaya ko na siyang mas ipagtanggol ngayon. Kaya ko na ngayong mas panindigan.

“Mas kaya ko nang tumayo. Ako na ‘yung nasa harap ni Chin (palayaw ni

Francine), sa likod lang siya. So ‘yun,” saad ni Seth.

Halatang kinilig si Francine at napabungisngis ito sa sagot niyang, “Thank you. Kasi po, ano, e, best friends kami. At ganun din naman po ako sa kanya. ‘Yun lang po, ayaw ko lang pong pahabain, kasi, sa amin na lang ‘yon.”

Birit Queen, umaarte na rin

Patuloy rin ang GMA Playlist sa pagbigay ng break sa mga magagaling na singers na karamihan sa kanila ay produkto ng The Clash.

Humarap sila sa media last week ang napakagaling din na sina Seb Pajarillo at Jennifer Maravilla na tinagurian ding Birit Queen.

Inilunsad ni Jennifer ang single niyang Di Na Puwede at komportable talaga siya sa pagkanta kesa sa pag-arte.

Umaarte na rin kasi si Jennifer, at naging bahagi pa siya noon ng Asawa Ng Asawa Ko.

Si Seb naman ay nagpasiklab sa first single niyang Dati Pa na nasa digital platforms na ngayon.

Ang dami talagang magagaling na na-produce ng The Clash, pero hindi ganun kadali silang mabigyan ng tamang break at makilala sa music industry.

Show comments