Magandang aktres at glam team, abusada!

Isa sa mga araw na ito ay puputok ang mga kuwento sa isang magandang aktres na ‘di raw talaga kagandahan ang ugali.

Hindi pala niya kasundo ang mga katrabaho  sa isang programang ginagawa niya, kaya malamang sa malamang na tatanggihan na siyang makatrabaho sa susunod na project na gagawin nito.

Tahimik lang sila ngayon, dahil ayaw nilang maka-nega pa sa kanilang programa, pero lalabas at lalabas din ang mga buong kuwento.

Ang siste pa, hindi lang siya ang may pagkamaldita sa set, kundi halos lahat ng mga kasamahan niya.

Naalala ko tuloy ang kuwento ng isang kaibigan na kumuha sa magandang aktres na ito.

Sinunod ang mga demand nito para matapos lang ang ginawa nilang pictorial. Binayaran ang buong glam team na isinama niya. Pero lingid sa kaalaman ng kaibigan namin, panlalait ang inabot nito sa magandang aktres at mga kasamahan niya.

Hindi lang si magandang aktres ang may attitude, kundi pati mga kasamahan niya, o ang glam team ba ang tawag sa kanila? Iba rin daw ang ere nitong glam team niya na akala mo pagkagaling-galing.

Narinig kasi ng staff ng kaibigan namin ang mga panlalait ng grupo nitong magandang aktres.

Hindi naman daw ganun ka-personal ang panlalait, kundi iyung pag-istima sa kanila, yung concept ng pictorial at pati yung regalong ibinigay sa kanila ay nilait pa raw nitong mga kasamahan ng magandang aktres.

Maaaring lalabas din ang mga kuwentong ito tungkol kay magandang aktres pag matapos na ang programa niya.

Ang tanong nga namin lahat, ire-renew pa kaya ang kontrata nitong magandang aktres? Nakarating na kasi sa mga boss ang mga kuwento tungkol sa kanya.

Andrew E. ngayon lang may solo concert

Sa larangan ng pagra-rap, si Andrew E. talaga ang unang papasok sa isip mo dahil sa tagal niya sa music industry at patuloy pa rin ang pamamayagpag niya.

Kaya nga nang napabalita na magkakaroon na siya ng solo concert, halos iisa ang tanong ng karamihan, bakit ngayon lang siya magko-concert?

Naipaliwanag naman iyan ni Andrew E. sa mga nakaraang interviews niya, pero naaliw kami nang mag-guest siya sa radio program namin sa DZRH nung nakaraang linggo.

Tinanong namin tungkol sa kumpetisyon dahil nung sumikat siya dahil sa rap song na Humanap Ka ng Panget, nakilala rin si Michael V dahil sa sagot nitong Maganda ang Piliin Mo (Ayoko ng Panget).

Napangiti si Andrew E. at ang cute ng sagot niyang; “Basically ano, nai-adopt ko naman sa buhay ko yan. Itong aking maybahay na si Mylene, ang sinunod ko ay si Michael V. Maganda ang piliin.

“Si Mylene ‘yung aking maybahay, sinunod naman niya ang payo ko. Humanap ka ng panget. So, yun!”

Hindi naman daw niya itinuring na mahigpit na karibal sa pagra-rap si Bitoy dahil nasa pag-aartista na raw siya noon.

“You know, my attention and my preparatory inkling for my artistry is already in the movie making. Wala na sa recording at that time, dumating siya,” pakli ni Andrew E.

Ang suwerte lang daw niya dahil sa nagkasunud-sunod ang mga pelikula niyang nag-hit sa Viva Films.

“So, ang palagi kong pinaghahandaan dati is how to act better, how to follow suit with the director, kung papano yung direction niya, kung paano ko pag-aralan ang mga ganito’t ganyan.

“So, sa kilos artista nadadalian ako. Dun sa mukhang artista, nahihirapan ako e,” nakatutuwang pahayag ni Andrew E.

Sa December 11 na ang first solo concert ni Andrew E. na 1Time For Your Mind na gaganapin sa New Frontier Theater. Isa sa special guests na in-announce nila ay si Regine Velasquez.

Show comments