Kampo ni Alex, umalma sa pekeng shades na rebelasyon ni JC!
I lan sa mga taong malapit sa pamilya ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga ang nag-react sa nakaraang interview kay JC de Vera ng One News Ph na kung saan ay nabanggit si Alex Gonzaga.
Tinanong si JC na nagpo-promote ng pelikula niyang Huwag Mo ‘Kong Iwan (showing na sa Nov. 27) ng host na si Stanley Chi kung may nakasama ba siyang nag-attitude sa programang sinalihan niya sa TV5.
Dito inilahad ni JC ang naranasan niya kay Alex, pero sinimulan naman niyang, “eto nakakatawang pag-attitude ‘yun.”
Kinuwento niyang nagkasama sila ni Alex sa Lokomoko sa TV5 at nangyari raw ‘yun sa isang out of town shoot nila na kung saan ay diretsahan siyang tinanong ni Alex kung original ba ‘yung suot niyang shades.
“First time kong nakilala si Alex Gonzaga. Hindi ko siya kilala personally. Natawa ako kasi hindi ko alam kung maiinis ba ako o maasar ako sa kanya.
“Pero definitely, na-offend ako. Pero alam ko namang hindi niya mini-mean kasi ‘yun nga, hindi naman kami talaga magkakilala o close.
“Hindi ko rin alam kung intentionally ba niyang gustong punahin kung totoo ba ‘yung shades ko o fake,” kuwento ni JC.
Ang daming pumik-ap sa interbyung ‘yun at napahamak na naman daw dito si Alex.
Ang punto lang ng nakausap naming malapit sa pamilya ni Alex, bakit naman daw idinamay pa ang actress/vlogger gayung wala naman itong ano mang involvement sa pelikulang pino-promote ni JC. At nangyari raw ‘yun halos 14 years pang nakaraan, bakit binuhay pa ito gayung nagpo-promote ka lang naman ng pelikula.
Kaagad umalis si JC pagkatapos ng premiere night ng pelikula nilang ipalalabas kaya hindi namin ito nahingan ng pahayag o kung gusto ba nitong magpaliwanag sa mga binitawan niyang pahayag sa interbyung iyun.
Hindi pa namin nahingan ng reaksyon si Alex kaugnay sa isyung ito.
Ang latest lang na narinig namin ay nagparating ng mensahe si JC kay Alex at nagso-sorry. Pero hindi pa namin alam kung sinagot ba siya ni Alex o nagkausap sila.
Pero ang leksyon lang dito, maging maingat lang sana sa interviews lalo na sa mga ganung nakakaintrigang tanong, dahil nadadamay ang ibang taong walang kinalaman sa pelikulang pino-promote mo.
Sa pagkakaalam ko ay magkaibigan naman silang dalawa at nagkasama pa nga sila ni Alex sa isang pelikula.
Ate Vi, binantaan si Aga!
After halos tatlong dekada na ay ngayon lang uli nagkasama sina Vilma Santos at Aga Muhlach sa pelikulang Uninvited na entry ng Mentorque Productions sa 50th Metro Manila Film Festival.
Nakakatuwa ang kuwento ni Aga nang kinausap siya bago ang grand launch ng naturang pelikula na ginanap sa Solaire North noong nakaraang Miyerkules.
Nung inalok daw sa kanya ang film project na ito ng Mentorque, binasa niya ang script at nagustuhan niya ang role. Pero inalam daw muna niya kung talagang si Ate Vi ba ang kasama niya at pati na rin si Nadine Lustre.
Ang kuwento ni Ate Vi, “That’s why nung nadinig ko, na tumawag sa akin si Aga, and then sinabi niya na, ‘Ano, Vi? Totoo ba, gagawin nating pelikula ito? Totoo ba, gagawa tayo ng pelikula?’
“Tapos sabi ko, ‘Oo, Aga! Tanggapin mo dahil kung hindi, isosoli ko na ‘yung kandila bilang ninang n’yo ni Charlene (Gonzalez) sa kasal! ‘Pag hindi mo tinanggap ito, ibabalik ko na ‘yung kandila n’yo ni Charlene,’ kasi ninang nila ako sa kasal. ‘Kaya tanggapin mo na ito dahil… gusto na kitang bakbakan!’
“‘Yun yon, dun nag-umpisa ‘yon. And now, eto na, tapos na ‘yung pelikula namin.”
Gusto ni Aga ang role niya rito at gusto rin niyang anak niya rito si Nadine Lustre.
Mabuti na lang daw na anak niya si Nadine, dahil sa tingin niya, tapos na siya sa pagpa-partner sa kanya sa lead actress. Tama na raw ‘yun.
Pero ang isa pang exciting kay Aga ay hindi lang siya nagkaroon ng reunion project kay Vilma, kundi nagsama pa sila ngayon ni Richard Gomez sa isang commercial ng canned tuna.
Ang bongga rin daw ng pinagdaanan niya sa commercial na iyun dahil kailangan daw nilang karerin ang pagpapayat.
First time nilang magsama sa isang project at endorsement pa na kailangan nilang maipakita uli ang maganda nilang katawan ni Richard.
“We shot it already. We started with our program. So, it kinda worked naman.
“Sabi, ‘Aga, gusto nyo bang manumbalik ang inyong magagandang katawan? Oo naman! We’re in it, sabi ng Century, we’ll be here to support you ganyan. So, kinuha kami ‘no?
“Sabi ko, ‘Goma, parang akalain mo at this age ngayon lang tayo magkasama, first time lang tayo magkasama. Sa endorsement pa. Tapos ang programa pa natin, parang balik alindog,” masayang kuwento in Aga.
“Siyempre kapag ikaw lang mag-isa, dati ‘yan sinasabi natin lahat ng mga kaedaran ko makaka-relate nito na I mean… kung maalala n’yo naman kami naman ni Goma ay once a upon a time, ang katawan namin talaga ay mailalaban mo naman sa kahit saan yun ano? Siyempre, kami ay medyo nag-enjoy naman sa buhay namin ngayon. Siyempre, biglang balik ano?” dagdag niyang pahayag.
Nahirapan silang ibalik ang dating magandang katawan dahil talagang sinunod nila ang program ng tuna na walang niretoke o invasive na paraan. Kahit mahirap, proud naman silang na-achieve nila ito at nagamit pa ngayon ni Aga sa pelikulang Uninvited nila ni Ate Vi.
- Latest