Coco, mangiyak-ngiyak sa acting ni Julia

Coco Martin.
STAR/ File

Todo-todo ang suporta ni Coco Martin sa karelasyong si Julia Montes.

Ang aga kahapon ng Batang Quiapo actor sa special screening ng Saving Grace na comeback teleserye ng karelasyon na ginanap sa Gateway cinema.

Ito ay Pinoy adaptation ng sikat na Japanese drama na Mother.

Unang umere sa Nippon TV noong 2010, ito ay ang most exported scripted format sa Asya matapos pumatok sa buong mundo ang kwento nito tungkol sa pagmamahal at pamilya.

Ang Pilipinas ang ikasampung bansang gagawa ng sariling bersyon nito kasunod ng Turkey, South Korea, Ukraine, Thailand, China, France, Spain, Saudi Arabia, at Mongolia.

Si Julia ang magsisilbing eleventh ‘mother’ na magbibigay-buhay sa isang napakahalagang karakter na siguradong aantig sa mga puso ng mga manonood at mag-iiwan din ng importanteng mga aral.

Nakatutok ang kuwento nito sa child abuse at child labor ayon kay Direk FM Reyes kaya napili nilang gawin bilang sagot sa mga nagtatanong kung bakit pa nila kailangang gawin ang kuwento nito samantalang ang dami namang istoryang kayang gawin ng mga Pinoy.

Touching kaagad ang mga unang eksena nito na iikot nga sa child abuse at domestic violence.

Alam mo agad na hindi ito bibitawan ng mga manonood lalo na ang mga eksena nina Julia, Janice de Belen, and Jennica Garcia with newest child star Zia Grace.

“Ang ganda ng lesson and story na gustong sabihin ng serye. Lagi kong tanong kung kaya ko pa ba kasi nate-tense din ako. Kailangan abangan ‘yung mga batuhan ng linya na magaganap,” sabi ni Julia sa naunang interview na ginagampanan ang papel bilang si Anna, ang guro na mapapamahal sa batang inaabuso.

Extra special din ang serye para kina Janice at Sharon Cuneta dahil ito ang unang beses nilang magka-katrabaho sa isang proyekto.

“Napanood ko ‘yung original and in fact, naiyak nga ako kaya alam ko na agad na heavy drama siya. Siyempre gusto kong makaeksena si Mega. Because I know people are also waiting to see how our dynamic is going to be given our colorful past,” ayon kay Janice.

Kabilang din sa Saving Grace sina Sophia Reola, Eric Fructuoso, Adrian Lindayag, Aya Fernandez, Mary Joy Apostol, Andrez Del Rosario, Fe de los Reyes, at Elisse Joson. Magsisilbing mga direktor naman sina FM Reyes at Dolly Dulu.

Anyway, ‘yung nga base sa napanood namin sa special screening talagang tagos ang emosyon ng kuwento kaya kahit si Coco ay mangiyak-ngiyak daw habang nanonood kahapon.

Show comments