Mahigit anim na buwan na ang nakalilipas nang napatigil si Francine Diaz sa paggawa ng video blogs para sa sariling YouTube channel. Ayon sa aktres ay dumating na sa puntong hindi niya ito matutukan dahil na rin sa kanyang personal na buhay. “Ang daming nangyari sa life. Gano’n pala kapag nag-transition from being a teenager, tapos adult life ka na. Ang hirap niya pala ibalanse. Magiging honest po ako, hindi ko siya nahawakan. I have to focus din on my studies. Ngayon first year college, ang hirap pagsabayin. Kailangan may piliin ka munang isa,” pagtatapat ni Francine.
Naibahagi ng dalaga sa bagong vlog na maraming kaibigan ang nawala sa kanyang buhay ngayong taon. “Ang daming nawala, ang daming breakups. Hindi man romantically or sa friendship but I think in general. Na-gain I think marami. Kapag may nawala, may mas magandang papalit. May mga nawala akong mga tao sa buhay pero thankful ako sa mga pinagsamahan namin, sa kung anong nangyari sa amin. Sa mga tao na iyon, ‘yung relationship ko sa kanila, eye opening siya for me. Ang daming realizations, ang daming lessons,” makahulugang pahayag ng aktres.
Samantala, mas lumalim na ngayon ang pagiging magkaibigan nina Francine at Seth Fedelin.
Sa mga nakalipas na taon ay mas tumindi ang samahan ng dalawa. “Medyo hindi kami ganoon ka-close before. Maybe close kami but may wall sa pagitan namin. Although okay naman kami. We just knew deep inside na may awkwardness. Dati masasabi ko na mas magkaibigan when it comes to work. Right now, I would say na sa tinagal and hinaba ng panahon na magkasama kami, masasabi ko na ‘yung friendship na mayroon kami ngayon is on the different level naman na siya. Mas nakilala namin ‘yung isa’t isa. Ngayon mas may halaga na sa amin ‘yung friendship namin at hindi lang about sa work na ‘yung napag-uusapan namin. Kung magbibigay ako ng isang word kung ano si Seth ngayon sa buhay ko, my bestfriend. Kasi gusto ko, wala nang papalag,” nakangiting pagbabahagi ng dalaga.
Script nina Jolina at Marvin, inaayos pa rin
Tiyak na ikatutuwa ng mga tagahanga ng tambalan nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin ang reunion project na nakatakdang gawin ng dalawa. Ngayon ay pinagagandang mabuti ang script para sa bagong proyekto. “Inaayos pa ang script pero finally at nararamdaman ko na matutuloy na rin ito dahil nakailang attempt na rin ito. This time, matutuloy na,” pahayag ni Jolina sa BRGY show ni Bianca Gonzalez.
Para sa aktres ay talagang makare-relate ang lahat ng makakapanood ng kanilang gagawing reunion movie. Sa ibang bansa pa nakatakdang kunan ang mga eksena sa bagong pelikula. “Sabay-sabay tayong na-in love, sabay-sabay tayong na-friend-zone. I’m sure kahit saang part ng movie na gagawin namin na ‘to, istorya nito, I’m sure meron kayong istorya diyan,” paglalahad niya.
Matatandaang nakapag-bonding sina Marvin at Jolina at iba pang mga kaibigan para sa birthday celebration ni Judy Ann Santos noong Mayo. Mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas nang huling nagtambal sa pelikula sina Jolina at Marvin. “Sa totoo lang after no’ng aming reunion na nangyari sa Judy Ann’s Kitchen, I can say na may bonding kami na nangyari doon na mas nagpatatag sa friendship din namin ni Marvin,” giit ng aktres.
(Reports from JCC)