Nakakaantig ang mga samu’t saring kwento ng totoong buhay ng titas of radio na sina Tyang Amy Perez at Tita Winnie Cordero sa kanilang mga public service show sa Radyo 630 at Teleradyo Serbisyo.
Si Tyang Amy ay nakatutok sa iba’t ibang karanasan sa buhay pag-ibig, pamilya, kaibigan, karera, at iba pa sa kanyang radio wellness/drama show na Ako ‘To si Tyang Amy, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 3 PM.
Bukod sa mga madadamdaming kwento ng buhay, maghahatid din ito ng mga makabuluhang payo mula sa mga eksperto bilang layunin nitong bigyang halaga ang importansya ng mental health sa kasalukuyang panahon.
“Ang aming public service ay lahat ng may kinalaman sa mental health o tamang pangangalaga sa ating isip, puso, at emosyon. ‘Yung mga pinagdaraanan nating struggles sa araw-araw, tatalakayin natin ‘yan,” wika ni Amy.
Mga nakaaantig na karanasan mula sa mga nangangailangan naman ang tutugunan ni Tita Winnie Cordero sa kanyang programang Tatak: Serbisyo na umeere rin weekdays, 10:30 ng umaga.
Bukod sa pagkalap ng donasyon para sa mga nangangailangan, layun din ng kanyang programa na magsilbing tulay sa pagsasaayos ng sistema sa pagtulong sa ating mga kababayan.
“Ang gusto kong maging adbokasiya ay ‘yung mapaayos ang sistema sa pagtulong sa ating kapwa. Isa-isa kong nadidiskubre ang mga hinaing ng ating kababayan at ang daming nangangailangan ng tulong mula sa pagpapagamot, financial, at iba pa,” saad ni Winnie na emosyonal pag pinag-uusapan ang mga inilalapit sa kanyang problema ng ating mga kababayan lalo na pag tungkol sa pagpapa-hospital ng mga nasa laylayan ng lipunan.
May hatid ding winning diskarte si Tita Winnie, mula sa budget-friendly recipes, DIY activities at kumikitang kabuhayan sa kanyang programang Win Today tuwing Sabado, 10 AM.
Bukod sa AM radio sa 630 kHz frequency, mapapanood din ang mga programang ito sa Teleradyo Serbisyo na available sa free at cable TV, pati online sa official Facebook at YouTube pages nito. May livestream din ang Teleradyo Serbisyo sa iWantTFC.
Tuloy-tuloy din ang mga progama nitong Radyo 630 Balita ni Robert Mano, Gising Pilipinas at Teleradyo Serbisyo Balita nina Alvin Elchico at Doris Bigornia, Kabayan ni Noli de Castro, Balitapatan kasama sina Peter Musngi at Rica Lazo, Tatak: Serbisyo kasama si Winnie Cordero, Headline Ngayon ni Jonathan Magistrado, at iba pa.