Panibagong record ang ginawa ng Hello, Love, Again na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards matapos masungkit ang ika-walong pwesto sa US top 10 films.
Matagumpay ang unang kolaborasyon ng Star Cinema ng ABS-CBN at GMA Pictures na umani ng $2.4 million (P140,940,000 sa Philippine peso) sa US box-office. Ito ang pinakamalaking kita sa takilya ng isang pelikulang Pilipino sa America. At ang Hello, Love, Again din daw ang may pinakamalakas na theater average o kita kada sinehan na $9,700.
Samantala, sa unang araw ng Hello, Love, Again sa domestic box-office ay kumita ito ng P85 million, ang pinakamalaking first-day grossing local film.
Tuluy-tuloy ang pag-arangkada ng pelikula na umabot sa P245 million ticket sales sa loob ng tatlong araw at nakuha ang pinakamalaking single-day box office para sa local film na nasa P90 million.
Ang pelikulang idinirek ni Cathy Garcia-Sampana ay napapanood sa 1,000 cinemas worldwide kasama ang US, Canada, Europe, Australia, New Zealand, Guam, at Saipan. Ipapalabas din ito sa Singapore, Malaysia, Middle East, Cambodia, at Hong Kong ngayong buwan.
Sa kasalukuyan ay napapanood sa mahigit 1,000 na sinehan sa buong mundo ang kwento nina Joy (Kathryn) at Ethan (Alden) sa Hello, Love, Again.
Pero sa totoo lang, malaking bagay sa pelikula si Joross Gamboa.
Ang saya ng mga punchline niya at nasasalo ang ibang mga eksena.
Hindi rin naapektuhan ang pelikula nang bagyong Pepito lalo na noong Linggo na sinabing darating sa Metro Manila ang nasabing bagyo.
In fact, pila ang mga nanonood at punuan sa mga sinehan sa Trinoma and SM North EDSA.
At nakatulong din ang declaration na walang pasok kahapon, Lunes, buong Metro Manila. Kaya ang mga estudyante, nanood ng sine.