Lalo pang lumakas ang Hello, Love, Again at mas pinag-uusapan na nga ito ngayon.
May bandwagon na, kaya lalo pang dumami ang na-curious sa pelikula nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Ang latest na nakuha naming impormasyon ay umabot daw sa P130-M ang kinita nito noong nakaraang Sabado.
Dito pa lang yan sa Pilipinas. Nagsimula na rin kasing ipinalabas sa ibang bansa, at sa nga nakuha ko ring balita sa ilang kaibigan sa Amerika, ang lakas din daw nito.
Na-forward pa nga sa amin ang report ng Dateline na kung saan ay naglabas sila ng estimate figures ng mga pelikulang nag-hit sa takilya noong weekend.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nakapasok sa top 10 ang isang Pinoy film na nasa pang-walong puwesto.
Kaya sabi ng aming reliable source, tiyak na malalagpasan nito ang record ng number one sa boxoffice na Rewind nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Mukhang pasok kasi ang kuwento nito sa mga kababayan natin abroad, dahil tumatalakay ito sa mga pinagdaraanan ng mga OFW nating nagpakahirap magtrabaho sa ibang bansa.
Kaya ang dami sa kanilang naka-relate.
Nakatsikahan ng kaibigan naming si Louie Alejandro sa Arizona, nag-iiyakan daw ang karamihan sa mga nakapanood dahil naka-relate daw sila sa kuwento nina Ethan (Alden Richards) at Joy (Kathryn Bernardo).
Kaya ang tanong ng karamihan, posible kayang may part three na ito?
Pero ang naughty ng ibang KathDen fans dahil may mga nagpo-post sa X na mas masaya ngayon si Kathryn sa piling ni Alden.
Naikukumpara nila sa ilang video clips na magkasama sina Daniel at Kathryn.
Ang sipag din ng mga fans ni Daniel Padilla dahil sa mga post nila sa taping ng aktor sa Baguio. Doon pala sila nagte-taping ng Incognito, at dagsa ang mga taong nagkakagulo sa kanya sa set.
Natutuwa sila sa aktor dahil pinagbibigyan niya ang mga itong gustong magpa-picture sa kanya. Kaya nag-trending ang hashtag Daniel Padilla sa X kahapon.
Misis ni Archie, may pasaring sa katotohanan
Napansin agad ng netizens ang ipinost ng asawa ni Archie Alemania na si Gee Canlas sa kanyang Instagram account.
May quote card itong; “The truth doesn’t need defending it speaks for itself.”
Nasa caption nito; “All will be answered in due time.”
Inaasahang magsasalita sila, lalo na si Archie sa araw nung pag-submit nila ng kanilang counter affidavit.
Isusumite raw niya ito sa preliminary hearing na nakatakda sa December 3.
Ewan ko lang kung magbibigay ng pahayag doon ang aktor.
Pero nakikita namang nandiyan si Gee para sumuporta sa kanyang asawa.
Komento nga ng ilang netizens, kahit ano pa ang nagawang kasalanan ng isang tao, nandiyan ang asawang sumusuporta at mangunguna sa pagtanggol sa kanya.
Malaking bagay talaga ang suporta ng pamilya kapag dumadaan sa ganung pagsubok ang isang tao.
Ganundin si Rita Daniela na sinasabi niya sa kanyang huling interview sa 24 Oras na patuloy siyang nagpapalakas para sa kanyang anak na si Uno.
“If bibigay ako, mas kawawa si Uno, mas kawawa yung anak ko,” saad ni Rita nang nakapanayam ito ni Nelson Canlas para sa 24 Oras.
Nasa All-Out Sundays pa rin naman si Rita, pero dumadaan daw siya ngayon sa counseling.