Budget ng MTRCB, wala pang dalawang minutong inaprubahan sa Senado

Sen. Jinggoy Estrada at Lala Sotto-Antonio.
STAR/ File

Todo ang pasasalamat ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), na pinamumunuan ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio sa Senado sa ilalim ng liderato ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, matapos pumasa sa plenaryo ang P164-milyong budget ng ahensya para sa 2025.

Pinasalamatan din ng Board si Jinggoy Estrada, ang Senate Pro Tempore, bilang sponsor ng budget.

Wala pa umanong dalawang minuto ang itinagal ng deliberasyon nang aprubahan noong Nobyembre 14 sa plenaryo ang kanilang budget dahil wala ni isang senador ang tumutol. “Malaking tulong ang pondong ito sa mga plano namin na maisulong ang isang ‘Responsableng Panonood tungo sa Bagong Pilipinas’ ayon sa lakbay-tanaw ni Pangulong Marcos,” sabi pa ni Chair Sotto-Antonio

“Dahil din sa suporta ng ating kongreso, patuloy kaming magsisikap na mapataas ang kamalayan ng publiko sa tamang paggamit ng media.”

Idiniin din ni Sotto-Antonio ang tatlong haligi ng Responsableng Panonood (RP).

1. Responsableng Panonood; 2. Responsableng Paggabay; at 3. Responsableng Paglikha.

Inilunsad ng administrasyong Marcos ang Tara, Nood Tayo! noong Nob. 12, isang informercial na layong itaas ang kamalayan sa industriya ng paglikha at ng pamilyang Pilipino sa tamang pagpili ng mga palabas na panonoorin.

Mula sa bagong budget ay ilalaan din umano ang pagbili ng mga makabagong kagamitan at pagpondo sa mga proyektong pagsasanay para sa mga empleyado ng Ahensiya.

Show comments