Direk Frank Lloyd Mamaril recording artist na

Frank Lloyd Mamaril.
STAR/ File

Ganap nang recording artist ang multi-awarded director na si Frank Lloyd Mamaril.

Kung dati ay nagdidirek lang siya ng mga concert nina Martin Nievera, Morisette at marami pang iba, inilunsad na ang kanta niyang Made to Believe na isinulat mismo ni Frank kasama ang songwriter-friend nitong si Kier. Ang kanta ay mula sa areglo nina Kiko Salazar at Alas.  “I used to sing sa taas ng table tapos ang ginagamit kong mic, sandok or brush. Tapos kinakamayan ko mga tao sa paligid,” natatawang inalala ng direktor na si Direk Frank kung paano siya nagsimulang mangarap maging isang singer.

Ipinanganak sa Pilipinas pero nanirahan ng ilang taon si Frank sa Northern Mariana Islands kung saan dating nagtatrabaho ang kanyang mga magulang. “I grew up in the Northern Mariana Islands. Kahit noong elementary, inilalaban talaga ako inter-island. Singing contest boy talaga ako,” pagbabahagi niya, na kinakitaan na ng galing sa pagkanta mula pagkabata. “Doon sa Northern Marianas, I had voice lessons. Actually, ang background ko talaga, church. Simbahan. Choir,” impormasyon no Frank, na ikinuwento kung saan nagsimula ang hilig niya sa musika.

Hindi man mang-aawit ang kanyang mga magulang, kaya raw ng mga itong magdala ng tono at hindi nagkulang sa pagpapakita ng suporta sa kanyang talento.

Paghabol ng pangarap sa Maynila, bumalik si Frank sa Pilipinas para mag-high school, dala rin ng kagustuhang sundin ang kanyang hilig. “I came home to the Philippines kasi sabi ko sa mom ko I wanted to pursue a career here. Tumira ako here in the Philippines while my parents were abroad. So, I was independent super early,” kuwento pa niya.

Nag-aral siya sa St. Louis College sa Valenzuela at nagningning sa mga kompetisyon sa eskwela man o sa telebisyon. “I think 16-17 (years old). Star in a Million. Search for a Star. Star for a Night,” aniya, na binanggit ang mga palabas na kanyang sinubukang salihan. “Every Thursday, matatapos ang klase ko ng 3 p.m. tapos ang auditions at 4 p.m. So I would commute from UST to (ABS-CBN) Audience Entrance para pumila.”

Sa kabila ng ilang beses na rejection at bigong pagtuntong sa mga final round ng mga singing contest, hindi siya natinag. Nanatili siyang nakatutok sa pangarap at pagmamahal sa musika.

Nang magkolehiyo sa UST, natuon ang pansin niya sa video production, isang hakbang na hindi sinasadyang humubog sa kanyang naging karera.

Sa kabila ng tila pagtalikod sa pagkanta, itinuloy pa rin niya ito at napili pa siyang kumatawan sa Pilipinas sa Metro Toronto Pop International Music Festival noong 2004.

At sa kanyang karera sa ABS-CBN, na nagsimula sa Studio 23 at Creative Programs, Inc., ay mabilis siyang umangat bilang Creative Head. Gamit ang pagiging eksperto na sa kanyang larangan, ibinabahagi ni Frank sa social media sa pamamagitan ng mga video ang ilan sa kanyang istilo bilang isang direktor. Dagdag pa rito ang ipinapasilip niyang behind-the-scenes (BTS) videos ng pagdidirehe.

Sumubok din siya sa pagnenegosyo at bumuo ng sarili niyang multimedia company, ang FLM Creatives and Productions Inc. na nagbigay-daan sa kanya upang higit pang maipakita ang kanyang iba’t ibang talento.

Nagturo rin siya ng Multimedia Arts sa De La Salle-College of Saint Benilde at sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela. Kinilala rin siya bilang Director of the Year sa 2018 Asia Leaders Awards at  PMPC Star Award for Music para sa Love Catcher concert ni Lani Misalucha.

Hinawakan din niya bilang direktor ang sold-out concerts gaya ng Darren D10 Concert (2024), Hev Abi Concert (2024), The Music of Cecile Azarcon (2024), Arthur Nery (2023), Aegis DobleDekada (2018) at Gigi Dela Domination US-Middle East Tour.

Maging ang mga high-profile events kabilang ang NCAA Opening Ceremonies, Miss Universe Philippines (2020-2022) at Mutya ng Pilipinas (20220-2024). Pero sa panahon ng mga rehearsal para sa mga concert na kanyang idinirek, lumilitaw ang kanyang boses, kadalasang ikinagugulat ng celebrity singers na kanyang nakakatrabaho. “They would tell me that maybe I should consider singing,” pag-alala niya.

Ang pinakanakaaantig na feedback ay nagmula mismo sa Concert King na si Martin Nievera, na nagsabing, “Frank, what a beautiful and revealing song. Now we know the secret to the magic that is Frank Mamaril. You are such a gifted director that you even directed yourself into a recording studio and convinced me that you have what it takes to make a song a hit. Anything is possible if you believe in yourself. I believe in you, Frank!”

Ang kwento ni Frank ay isang paalala na hindi pa huli ang lahat para sundan ang mga pangarap.

Show comments