Sa huling media conference ng Ultimate Heartthrob at batikang aktor na si Piolo Pascual, para sa kapana-panabik na pagtatapos ng kanyang socio-political action-drama teleserye na Pamilya Sagrado sa ABS-CBN ngayong linggo, hindi naiwasang mapunta ang usapan sa pulitika. Kasama na rito ang kanyang pagganap bilang isang public servant sa top-rated primetime series, kung saan umabot pa ang kanyang karakter na Rafael Sagrado, sa pagiging presidente sa masalimuot na kwento. Pati na rin ang mga naglalakihang billboard ni Piolo sa kahabaan ng EDSA at iba pang pangunahing lansangan, na may mga mensahe para sa ikabubuti ng mga Pilipino kaakibat ang isang party-list ay napag-usapan din. Masayang sabi ni Piolo, “[Ang mga billboard na iyon], I’m in partnership with a party-list that I also supported last elections. Mayroon kaming mga proyekto na ginagawa magkasama – they help my foundation, and we visit different places to do outreach.”
Ang tinutukoy pala ni Piolo ay ang kanyang personal na charity organization, ang Hebreo Foundation, na matagal nang sumusuporta sa mga iskolar at may mga programang pang-mahirap na isinasagawa sa buong bansa.
At ang party-list na kanyang sinusuportahan naman ay ang Ang Probinsyano Party-list (APPL), na anim na taon nang isinusulong ang mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa mga malalayong lalawigan na kadalasang hindi naaabot ng mga serbisyo, oportunidad, at ayuda mula sa gobyerno.
Dagdag pa ni Piolo, naniniwala siyang tama ang kanyang desisyon na iendorso ang isang kandidato o grupo tulad ng APPL na tunay na nagtatrabaho nang tapat para sa kapakanan ng mga Pilipino. “So yeah, at the end of the day, you give hope in your own way, but you also give a chance to people who are running and really want to serve by helping them out.”
Saksi si Piolo sa kamakailang malakihang outreach ng APPL para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine. Pinangunahan mismo ito ng batang-batang First Nominee ng party-list na si Cong. Alfred “Apid” delos Santos ang pamamahagi ng tulong sa humigit-kumulang 2,800 pamilya at 3,000 indibidwal na apektado sa buong Albay, kabilang na ang Legazpi City at Camaligan, Camarines Sur.
Sa panghuling pananalita ni Piolo ukol sa mga political endorsement, aniya, epektibong serbisyo ang hanap niya sa mga nais humingi ng kanyang suporta, tulad ng APPL. Dagdag pa ng aktor, lagi siyang handa na makipagtulungan sa mga taong may malasakit sa mga Pilipino dahil ang pag-unlad ng mga buhay ng taumbayan ang siya ring nais niyang makamtan. “I endorse those who I believe in and I believe will really help many Filipinos in need.”
Ang pagwawakas ng Pamilya Sagrado ay mapapanood ngayong Biyernes, Nobyembre 15, sa ABS-CBN.